Bagamat pinangangambahan nating lahat na mawala nang tuluyan ang mga endangered species at ang mga Endemic species sa bansa. Sadya namang hindi natin alintana ang pagtangkilik sa mga kakaibang pagkain o exotic food na ibinibenta sa iba’t ibang pamilihan sa bansa at sa buong mundo.
Nitong mga nagdaang linggo ay umusbong ang balitang may bagong virus ang kumakalat sa bansang China kung saan ay may mga naitalang kaso na mga chinese citizen ang nagkaroon ng sakit na ito.
Dahil sa tindi ng virus, lumaganap pa ito sa iba’t ibang bahagi ng China. Maging dito sa ating bansa ay pinag-iingat ang lahat sa mga nakasasalamuha natin sa paligid, lalung-lalo na ang mga galing China partikular sa Wuhan, Hong Kong at Macau. Ano nga ba ito’ng nakakaalarmang virus? Paano ito lumaganap?
Ang kumakalat na virus ngayon ay ang SARS-like coronavirus o 2019 novel coronavirus (2019-nCoV) na nagmula sa Wuhan City, China.
Sa mga nakaraang pag-uulat, inakala ng mga eksperto na isang Pneumonia lang ang ikinamatay ng ilang tao sa Wuhan China. Kinalaunan ay napag-alamang isa itong virus na maihahalintulad din sa Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS), at ang Ebola Virus Disease (EVD) na kung saan ay nakukuha sa mga sakit ng hayop na ating kinakain at sa mga kakaibang pagkain o exotic food na nabibili sa merkado.
Kilala ang Wuhan City sa pagbebenta ng mga exotic animals na talaga namang tinatangkilik ng mga Chinese. Dahil sa kinahihiligan ito ng nakararaming Chinese at maging tayong mga Pinoy ay hindi na natin naiisip kung ito ba ay makasasama sa ating kalusugan. Sa mga napaulat na, nagsimula ang virus na ito sa nilutong paniki na animo’y parang pinaupo sa sabaw, gaya din ng pagluluto ng ahas, at palaka na nagbibigay satisfaction sa mga kumakain nito.
Ano nga ba ang sintomas ng pagkakaroon ng 2019-nCoV? Ang coronavirus ay sadyang mabilis na nakahahawa sa isang taong makakasalamuha nito sa pamamagitan ng pag-bahing, pag-ubo, o matalsikan ng laway, at siyempre kung maka-encounter ng ibang lahi o kahit mga kababayan nating nanggaling sa China na may lagnat. May mga naitala na ring kaso ng nCoV sa ating bansa na agad namang nilapatan ng medikasyon upang hindi na makahawa pa ng iba. Sa awa ng Diyos ay wala pa namang naitatala sa ating bansa na nagpositibo sa 2019-nCoV.
Ipinatigil na rin ang pagtanggap ng mga pasaherong magtutungo sa Hong Kong o saan mang bahagi ng China sa lahat ng airlines sa bansa. Kahit mismo ang China ay ipinagbawal na rin ang pagbiyahe sa mga bansang maaring maapektuhan pa ng nakakaalarmang virus.
Ayon sa World Health Organization na maaring makonsidera na maging inevitable o hindi na mapipigilan ang paglaganap ng coronavirus sa buong mundo kung hindi ito malulunasan. Sa naging pahayag naman ng Department of Health (DOH), nais na nilang ideklara ang Public Health Emergency sa bansa dahil sa banta ng 2019-nCoV.
Kung nakapagtala na ng sakit at ikinamatay ng mga pasyenteng nagkaroon ng nCoV sa China ay maaring ang mga taong nakatabihan nila ay maging carrier ng virus na maaring maipasa sa iba. Nakakatakot nga naman talaga, hindi na natin alam kung ligtas pa ba tayo sa ating paligid.
Naalala ko tuloy ang sikat na pelikulang “The Flu” na tila nangyayari na. Huwag na natin hintayin pa na ito ay mas lumaganap pa sa buong mundo.
Kung maari, huwag na muna natin tangkilikin ang pagkaing exotic na nagiging dahilan ng ating pagkakasakit na patuloy sa paglobo ng bilang ng mga tinamaan ng virus na ito. Gaya ng naipakita na sa social media na nilutong paniki, ahas at iba pang exotic animals and insects.
Sa ating bansa ay kailan lang pinag-usapan ang mga naglalakihang mga itim na daga na ikinikilo pa ng isang lalaki para gawing karne sa paborito nating siomai. Ang pagpatay ng mga aso sa ibang bansa, at iba pang mga hayop na nais din nating tikman ay huwag na natin pang tangkain o tangkilikin. Sapagkat batid ng Diyos ang ating kilos kaya tayo nakararanas ng ganitong epidemiya dahil tayo rin naman ang may kagagawan.
Kung nasasarapan tayo sa pagkain ng mga iba’t ibang uri ng insekto gaya ng uod, alakdan, alupihan, tarantula, at iba pa ay maari lang sana na huwag na natin kainin pa. May mga mas masustansyang pagkain na nilikha ang Diyos gaya ng gulay, prutas, isda, at mga lamang dagat, at marami pang iba huwag lang ang exotic animals at insects lalung-lalo na ang mga laman-loob nito.
Nakakaalarma na ang ganitong klase ng pagkaing hindi dapat natin inihahanda o ginagawang putahe sa piling mga restoran na nag-aalok ng exotic food para lang malasap ng ating mga nanunuyong lalamunang sabik sa paghigop sa kakaibang lasang hatid nito at hindi natin alintana ang ating sasapitin.
Nilikha ng Diyos ang lahat ng nakikita natin sa ating paligid at tayo ang Kaniyang katiwala upang pangalagaan ito at kainin ang mga bagay na dapat lamang nating kainin. Hindi ang mga insekto o mga kakaibang hayop na magiging dahilan ng ating pagkakasakit at mauuwi sa malalang virus. Walang magbubuwis ng buhay kung lagi tayong nag-iingat sa ating mga kinakain higit ang mga exotic food na ating pinipiling kainin. (Hindi ko naman nilalahat). Pero hindi ka ba nababahala sa sasapitin ng iyong kalusugan? /DM
Photo credit to Google
RBM