Kapuri-puri ang katapangang ipinamalas ni ABS-CBN President & CEO Carlo Lopez Katigbak nang humarap ito sa Senado at ang iba pang Chairpersons ng Kapamilya network kahapon, Lunes (Pebrero 24, 2020).
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!Hinimay-himay ang mga alegasyong kinakaharap ng kanilang kumpanya patungkol sa panggigipit sa prangkisa ng Kapamilya Network sa nalalabing mga araw ng pagsasara ng isa sa pinaka malaking TV network sa bansa kapag hindi ito makalusot sa Kongreso at sa senado sa pagharap nila sa mga alegasyong ipinupukol sa nasabing TV Network.
Ipinaliwanag President & CEO Carlo L. Katigbak ang hindi pag-ere ng campaign ads ni Pangulong Duterte noong 2016 Halalan. Sa lahat ng mga alegasyong ito ay maayos niyang (Carlo Katigbak) naipaliwanag ang dalawang kategorya ng pagpapalabas ng campaign ads; ang National at local campaign ads.
Aniya, limitado at ‘first come, first served’ basis ang pag-eere nila ng mga ad campaigns kahit pa nakapagbayad pa ang Pangulo noon sapagkat may sinusunod silang protocol na naaayon sa batas at mga regulasyon nito. Bagamat, may mga Senador din ang nagbahagi ng kanilang saloobin ukol sa hindi rin pag-ere ng kanilang mga campaign ads bago pa matapos ang huling linggo ng pagpapalabas nito sa Kapamilya Network. At kahit ang GMA7 (Kapuso Network) ay nagpahayag din na sila man ay hindi rin nakapagpalabas ng campaign ads ni Duterte at iba pang mga senador bago pa man ang huling lingo ng pag-eere sa national at local campaign ads noong 2016 Halalan.
Hindi na natin pahahabain pa ang usaping ito. Ngunit, ano nga ba ang nais naming iparating sa inyo?
Balikan natin si ABS-CBN President & CEO Carlo Katigbak na kaniyang ipinamalas ang maayos at mahusay na pagbibigay datos patungkol sa hindi pag-eere ng campaign ads ni Pangulong Duterte. Si Katigbak ay isang magandang halimbawa ng pagiging isang maayos at mahinahon na Lider (Leader) na marunong magpakumbaba, umunawa, at magpaunawa sa mga sitwasyong kanilang kinahaharap laban sa mga kasong ipinupukol sa Kapamilya Network. Maging si Chief Presidential Legal Counsel & Presidential Spokesperson Salvador Panelo ay bilib sa pagiging mabait at mapagkumbaba ng batang Lopez na sakabila ng mga alegasyong kinahaharap ng kumpanya.
Aminado ang Kapamilya network sa kanilang kakulangan at ito’y pinabulaanan naman ni Katigbak at kusang tinanggap ang mga pagkakamaling nagawa sa mahinahon at sinserong pagsambit nito sa senado kahapon.
Ang pagiging mahinahon sa oras ng kagipitan, sakuna, pang-iintriga, panggigipit, at iba pang uri ng mga kaparatangang ipinupukol sa isang tao, organisasyon, o kumpanya ay nagbubunga ng maayos, at matiwasay na pag-uusap.
Sa estilo ng pagsagot sa mga alegasyon na may katwiran, talino, sapat na datos, pokus at sinseridad sa mga sinasabi ay nagbubunga ng magandang pananaw at emosyon na maaring ma-adapt ng mga taong kausap nito. Mas lumalawig ang kaisipan upang mas masagot ng may kaayusan at naaayon ang tono sa mga nakakapakinig nito. Ngunit kung ang tao ay maraming talak, ito ay magdudulot ng matinding gusot at lumilikha ng gulo at kalituhan.
Sa ating pananalita, mainam na pag-aralan nating mabuti ang timbre ng ating mga boses at kung ano’ng mga appropriate words o kaaya-ayang mga salita ang dapat nating ginagamit sa pagbato nito sa ating kausap.
Ang pagsasabi ng “SORRY” ay hindi madaling makuha sa mga taong nakapanakit sa atin. Kahit nga nasabi na natin ang pahingi ng kapatawaran o paumanhin na labas naman sa ating ilong ay madarama ito ng taong kaulayam natin.
Ang pagiging sinsero sa bawat sinasambit at binibigkas ng ating bibig ay hindi lamang nakikita o naririnig bagkus ito ay tunay na nararamdaman ng mga taong nasa paligid natin at higit sa lahat ay ‘yung nagawan mo ng kamalian.
Kaya matuto tayong humingi ng paumanhin o ang pagsasabi ng ‘sorry’ sa ating nakasakitan at tanggapin ang ating kakulangan at kamalian upang ang sigalot ay hindi na umiral pa at magatungan pa ng iba at humantong pa sa mas malalang sitwasyon at panggigipit. Kaya saludo ang Diyaryo Milenyo sa kababaang-loob ni ABS-CBN President & CEO Carlo Lopez Katigbak. Mabuhay po kayo! (DM)
Photo credit to http://www.bulatlat.com and ABS-CBN news