MAGUINDANAO, Philippines — Magandang balita para sa mga pabor sa paghahati ng probinsya ng Maguindanao.
Ayon sa report na pinoste ng Arangkada Balita sa Facebook, posible na mahati ang Maguindanao bago maganap ang local at presidential election sa 2022.
Ayon sa report nito, suportado ng lahat ng mga mayor ang inihain na panukala sa Kongreso na gawin itong dalawang probinsya at tatawagin na “Northern” at “Southern” Maguindanao.
Ang nasabing panukala ay inihain sa Kongreso nila 1st District Rep. Ronnie Sinsuat at 2nd District Rep. Esmael Mangudadatu.
Ayon sa nasabing panukala, ang magiging bahagi ng Northern Maguindanao ay ang 12 na mga Munisipyo sa unang distrito nito habang ang magiging bahagi naman ng Southern Maguindanao ay ang 24 na mga Munisipyo sa ikalawang-distrito nito.
Ayon sa report, pasado na committee level ang nasabing panukala.
Tuwang-tuwa naman ang mga opisyal ng Maguindanao, sa pangunguna ni Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu at Vice Governor Lester Sinsuat, na dumalo sa committee hearing nito sa House of Representatives sa Manila.
Napag-alaman ng DIYARYO MILENYO na dumalo rin ang lahat na mga miyembro ng Maguindanao provincial legislative board.
Pabor ang lahat na 36 na mga alkalde ng Maguindanao dahil naniniwala sila na makakabuti sa mga residente ng probinsya ang paghati nito.
Ayon kina Governor Mangudadatu at Vice Governor Sinsuat, mas matutukan na ang pagbibigay-serbisyo sa mga tao dahil sa paghati nito.
Maaalala na noong panahon ng kampanya, ipinangako ni Governor Mangudadatu sa mga tao sa kanyang kampanya na susuportahan nito ang paghati sa Maguindanao.
Ayon kay Governor Mangudadatu, tinupad lamang nito ang kanyang pangako at ipinapakita nito na ang gobyernong may malasakit sa Maguindanao ay isang uri ng “governance” (or pamamahala) na tapat sa kanyang pangako.
“Kung para sa ikakabuti ng mga tao andoon ang suporta ko,” sabi ni Governor Mangudadatu sa previous interview sa kanya. (with reports from ABDUL CAMPUA/MINDANAO DESK)
BY RAMIL H. BAJO, CHIEF DESK OFFICER – MINDANAO DESK
PUBLISHED BY DIYARYO MILENYO