ESPESYAL

SPECIAL REPORT: Nagkukubling Liwanag ng kahapon (A Blind Teacher’s Story)

Paano kung magising ka na lang na wala ka ng paningin? Wala ka ng maaninag sa iyong paligid. Higit sa lahat hindi mo kailanman nasilayan ang tunay mo’ng pamilya mula nang ika’y isilang sa mundong mapagkubli at nababalot ng dilim? Kaya mo ba’ng harapin ang buhay na wala ka ng makakapitan pa?

Dahil Women’s month ngayon, nais bigyang daan ng DIYARYO MILENYO ang isang kwentong kapupulutan ng aral. Lalo pa’t ito ay napapanahon para sa mga kababaihan na hindi sumusuko sa kahit ano pa mang hamon ng buhay.

Sa aming paglalakad sa kahabaan ng Leveriza Street sa Pasay City ay nakilala namin ang isang matandang babae. Si Nanay Livian (tunay niyang pangalan) ngunit ayaw niyang ipabatid ang kaniyang apelyido at ito naman ay aming nirerespeto.

IMG_20200309_225330

Si nanay Livian ay aming nakasabayang kumain sa isang karinderya sa kahabaan ng Leveriza Street sa Pasay City. Sa unang tingin pa lang kay nanay Livian ay mababatid mo na agad na siya ay isang bulag. May hawak-hawak na tungkod para magsilbing gabay niya sa kaniyang paglalakad. Halos kapain ni nanay Livian ang buong lamesa para maabot ang kaniyang kubyertos na nasa plato lamang nito. Nagsimula ang aming usapan ng bigla akong kausapin ni nanay Livian, “Pamilyar ang boses mo iho. Matagal ka na bang kumakain dito!?” Sambit sa akin ni nanay Livian. Sa totoo lang, maraming beses na akong nakakain doon pero hindi ko inakalang makakausap ko si nanay Livian. Ang alam ko lang ay kamag-anak niya ang may-ari ng karinderya ngunit doon ko lamang napagtanto na magkaibigan pala sila ng may-ari ng karinderya sa mahabang panahon. Dito ko rin nabatid na si nanay Livian ay dati palang Guro. Oo, isa siyang Assistant Teacher sa mga Chinese student from kinder 1 at kinder 2 taong 1994 – 1997. Aniya malapit lang sa fire station at sa karinderya ang Chinese school na kaniyang tinuturan noon. Nasa singkwenta mahigit na ang edad ni nanay Livian ngayon. Wala siyang sariling pamilya at wala ring naging anak. Higit sa lahat, hindi niya nakagisnan ang tunay niyang mga magulang o ang kaniyang tunay na angkan.

Batay sa salaysay ni nanay Livian, ipinaampon daw siya sa isang Chinese national na isa ring teacher. Aniya, mula nang siya ay kupkupin nang kinikilala niyang magulang na Chinese ay hindi man lang niya nagawang hagilapin o kilalanin ang tunay niyang mga magulang. Dahil lumaki siya sa poder ng mga Chinese at naging maayos naman ang pagtrato sa kaniya; pinag-aral, binihisan, pinakain, at inaruga na parang tunay na anak at kahit na may sariling pamilya rin ang kaniyang poster parent ay naging over-protective ito sa kaniya. Naalala pa nga niya na may mga katulong daw sila at bawal tumanggap ng ligaw. Hanggang siya ay nagdalaga na ay hindi na niya naisipang mag-boyfriend. Dahil na rin sa kagustuhan niyang maging Guro sa mga batang chinese. Inilaan niya ang kaniyang oras sa pag-aaral at pagtuturo at kailanman ay hindi sumagi sa kaniyang isipan ang pag-aasawa.

Nang tanungin namin si nanay Livian kung nasaan ba ang kaniyang tunay na pamilya, ang naging tugon lamang nito ay hindi niya kailanman nakilala ang tunay niyang mga magulang o kung may mga kapatid ba siya? Bagay na hindi na niya ninais pang alamin dahil masaya siya sa kaniyang poster parent. Muling nagtanong kami sa kaniya kung may pagkakataon na alamin ang kaniyang pagkatao para makapiling niya ang pamilyang nawalay sa kaniya ng matagal na panahon. Aniya, mag-aaksaya lang daw siya ng oras dahil para sa kaniya, wala na siyang pupuntahan pa. Kung kailan bulag na siya at hindi niya rin mare-recognize ang mga mukha nito, kaya huwag na lang daw hanapin pa. Masaya siya kung nasaan man siya ngayon at kung ano’ng buhay ang meron siya. Basta hindi nawawala ang kaniyang pananalig sa Diyos na lagi sa kaniya’y gumagabay.

Aniya, isang pagsubok ang nagpabago sa buhay ni nanay Livian buhat ng mamatay ang kaniyang kinikilalang ina taong 1994 sa sakit sa puso. Ito ay lubos na dinamdam ni nanay Livian. Ilang taon ang lumipas ay panibagong kalbaryo ang dumating sa kaniyang buhay. Isang sakit ang biglang nagpahinto sa kaniyang mundo nang siya ay tuluyang mabulag taong 1997. Nagkaroon siya ng malubhang sakit sa mata na tinatawag na Glaucoma. Ang glaucoma ay isang delikadong sakit sa mata na kapag hindi maagapan ay maaring mauwi sa pagkabulag. Isang kalbaryo sa buhay ni nanay Livian na habang-buhay na niyang hindi masisilip ang liwanag ng mundo sa tuwing siya’y babangon. Nang mga panahong iyon ay tuluyan nang nilisan ni nanay Livian ang bahay ng umampon sa kaniya, maging ang pinagta-trabuhan ni nanay Livian ay tuluyan na rin niyang iniwan. Nakaipon naman daw siya nang mga panahong siya ay nakakakita pa, ngunit habang tumatagal at nagkaka-edad na siya ay paunti-unti rin itong nauubos. Madalas pa nga raw ay niloloko siya ng mga taong pinagkakatiwalaan niya noon.

Kahit bulag si nanay Livian ay may sarili itong tinutuluyan. Oo, nangungupahan si nanay Livian ng may kalayuan sa karinderya o higit 2 kilometro ang layo. Sa umaga ay madalas niya itong binabaybay, nilalakad niya ang malawak na kalsada patungo sa tindahan ng kaniyang kaibigan. At kapag nakarating na siya roon ay maghapon ng mag-iistambay ang matanda. Kahit bulag siya ay kaya niyang kumilos at tumulong sa mga simpleng gawain na kinatatamaran ng mga kabataan. Sa gabi naman ay umuuwi siya sa kaniyang tinutuluyan. Sumasakay siya ng tricycle para ihatid siya pauwi sa kaniyang inuupahan. Aniya, kilalang-kilala na siya sa kanilang lugar ng mga tricycle driver na nakakasakayan niya. Maayos naman daw siyang ibinababa sa harap ng gate nila. Isa sa nakaka-mangha kay nanay Livian ay nagagawa niyang bagtasin ang ikatlong palapag ng building kung saan siya natutulog. Aniya, kabisado niya ang bawat haligi ng bahay at ang bilang ng baitang nito. Kaya niyang umakyat ng mag-isa sa hagdan basta huwag lang daw siyang kakausapin o makakarinig ng ingay sa paligid. Dahil kapag siya raw ay tinawag o nakarinig ng ingay ay nawawala siya sa konsentrasyon at minsan pa nga raw ay nadudulas ito sa hagdan. Gaya nga ng nakaharap namin siya, may bandage (benda) ang kaniyang kanang braso. Dagdag pa ni nanay Livian na kahit nagtatambay siya ng maghapon sa tindahan ng kaibigan ay kaniya namang binabayaran ang kaniyang mga kinakain doon. Kahit papaano ay may nakukuha naman siyang pensyon mula sa gobyerno at sa tulong na rin ng ibang tao.

IMG_20200313_012945

Ngayon ay masayang namumuhay nang mag-isa si nanay Livian. Lubos ang kaniyang pasasalamat sa Diyos na kailanman ay hindi siya pinabayaan. Lalo pa’t binigyan siya ng isang butihing kaibigan na laging gumagabay at tumutulong sa kanya.

“Kahit ano pa mang pagsubok sa buhay ng isang tao ang dumating ay may handang dumamay at makinig sa’yo basta magpakumbaba ka lang sa lahat. Ang Diyos ang gagawa ng paraan para ikaw ay kaniyang iligtas sa kapighatian o ano pa man ang iyong pinagdaraanan sa buhay. Bulag ka man o nakakakita, Magtiwala ka lang.” Saad ni nanay Livian.

Sa mga pagkakataong tayo ay nawawalan ng lakas o pinanghihinaan ng loob ay magsilbing halimbawa ang kwento ni nanay Livian sa ating lahat. Lalung-lalo na sa mga kababaihang nakararanas ng depression at pag-iisa. Si nanay Livian kahit ano’ng pagsubok pa ang dumating sa kaniya ay hindi niya ito inirereklamo sa Diyos. Batid niya na ang lahat ng nangyayari sa buhay niya ay may purpose o dahilan. Kaya naman, saludo ang DIYARYO MILENYO sa katatagan ninyo nanay Livian. Dalangin namin ang inyong kalusugan, kaligtasan, at kasiyahan sa inyong puso na hindi kayang masilip ninunaman bagkus ito ay nararamdaman. Mabuhay po kayo nanay Livian! Happy Women’s month! (DM)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.