Ipagpaliban na muna natin ang mga usapin sa ayuda ng gobyerno habang hindi pa natin ito lubos na natatanggap at nararamdaman.
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!Naalala ko noong kabataan ko, kapag wala kaming ulam sa hapag-kainan at walang nagpapagawa sa talyer ni tatay basta may bigas o kanin sa aming mesa, at mayroong mantika, toyo, at asin ay sapat na para maibsan ang kagutuman naming mag-anak. Madalas ay ginagawa itong sinangag o fried rice ni nanay at sasabuyan ng itlog, may instant ulam na kami. Nakakatawang isipin na ngayon ko lang na pagtanto na ang kinakain naming fried rice na may itlog ay parang chao fan din ng Chowking. Yun nga lang wala itong halong meat at onion chives. Haha! Di ba nakakatakam?
Dahil masipag ang nanay na magluto at kung ano-ano ang kanyang nakikita sa kusina ay nakakapagluto siya ng aming makakain. Sa kanila ko rin natutunan ang pagkahilig sa kape. Kapag walang pambili ng kape ay sinusunog nila ang bigas hanggang sa magkulay itim ito at pakukuluan sa takure, may instant coffee na kami! Isinasabaw din namin ang kapeng bigas sa kanin at talaga namang iba ang hatid nito sa aming mga tiyan. Hindi namin alintana ang hirap ng buhay noon basta masaya kaming kumakain.
Alam din ni nanay ang paborito kong kakanin o panghimagas, ito ay ang “biko” o rice cake sa ingles. Instead purong malagkit ang kaniyang isasaing dahil sa wala namang pambili ng malagkit ay bigas na lang ang gagamitin ni nanay basta may nagbibigay sa kanila ng niyog at si tatay naman ang magkakayod nito gamit ang aming kayuran o kudkuran ng niyog (coconut grater) na gawa ni tatay.
Pinaaalalahanan din kami palagi ni nanay na huwag naming hahayaang mabokya o ma-zero ang lagayan ng aming bigas lalo na kapag disyempre at magpapalit ang taon. Ika nga ni nanay, ang bigas ang pinaka mahalaga sa lahat ng pagkain na hindi dapat sinasayang at tinatapon dahil ito ay biyaya mula sa ating Diyos na maylikha ng lahat.
Sadiyang nakalimutan na yata nang mga mahihirap na pamilyang Pilipino ngayon ang mga naituro sa atin ng ating mga magulang noon. Panigurado, marami sa atin ang nakaranas ng ganitong paghahain. Dapat ito ay itinuturo at pinapatikim din natin sa mga kabataan ngayon, lalung-lalo na sa mga chikiting sa ating bahay na sa totoo lang ay magugustuhan din nila ito. Huwag puro mga instant food ang ipakain natin sa ating mga chikiting, ito’y magdudulot ng iba’t ibang sakit kung paulit-ulit natin silang pakakainin ng mga instant food gaya ng noodles, hotdog, can goods, at iba pa.
Hindi ba’t masarap balikan ang mga simpleng pagkain na inihahain ng ating mga magulang sa ating mesa kapag walang-wala nang mahugot si nanay at tatay. Marapat lang siguro na ito ay mapatikim naman natin sa mga kabataan ngayon lalo na sa oras ng kakapusan ng pagkain sa ating mga tahanan tulad ng nangyayaring krisis ngayon sa ating bansa.
Hindi ba’t mas masarap kumain ng kanin at sasabawan ito ng mantika o toyo o asin habang kasama ang buong pamilya at masayang nagtatawanan at nagkukwentuhan.
Kahit na nahihirapan tayo ngayon sa buhay dahil sa lockdown na ating nararanasan, maraming paraan para maibsan natin ang ating kagutuman basta lumingon ka lang sa loob ng inyong mga kusina may maihahain ka para sa iyong pamilya. Hindi ka tunay na Pinoy kung hindi mo pa ito nagawa o natikman. Huwag na po tayong mag-inarte sa kung ano lang ang meron sa ating hapag-kainan. | TINIG NI REX MOLINES |📷 courtesy: DeviantArt
#BalikTanaw #Bigas #Toyo #Mantika #Asin #Kanin #Kagutuman #Krisis #Pagkain #DSWD #PoorFamily #BayanihanToHealUsOneAct