
PHOTO NEWS: Mga asawa at mga anak ng MILF fighters ng 105th Base Command sa probinsya ng Sultan Kudarat tumulong sa pagre-repack ng food packs
105th BASE COMMAND CAMP — Habang abala ang ex-fighters ng 1st Brigade ng 105th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) sa paghahatid ng “food packs” sa mga bulubunduking-bahagi ng Daguma mountain range sa probinsya ng Sultan Kudarat, ang kanilang mga asawa at mga anak naman ay abala rin sa pagre-repack ng bigas at mga sardinas sa patag.
Araw-araw, ang tropa ng 1st Brigade ng 105th Base Command ng BIF-MILF, sa pangunguna ni Commander Nashrullah “Stallion” Mama, ay pinapasok ang masukal na gubat at inaakyat ang matataas na mga bahagi ng na nasabing bundok upang ihatid ang bitbit nilang “food packs” sa mga residente na nakatira doon.
Ayon sa report na natanggap ng Mindanao Desk ng DIYARYO MILENYO na nakabase sa Isulan, Sultan Kudarat, mahigit 1,000 na mga pamilya na nakatira sa itaas ng bundok ng Daguma mountain range ang nabigyan na nila ng “food packs” mula ng magsimula silang mamahagi last week.
Mula sa kanilang sariling mga bulsa at mga donasyon mula sa mga “kindhearted individuals” at sa mga “humanitarian groups” ang ipinamamahagi nilang tulong sa mga residente na Lumad, Christian at Muslim na nakatira sa Daguma mountain range.
Sa interbyu sa kanya ng DIYARYO MILENYO, sinabi ni Guiahrina Zacaria Mama, misis ni Commander Stallion, na ang ginagawa nilang pagtulong sa mga nangangailangan ay upang ipakita na ang mga miyembro ng MILF ay may puso rin na tumulong kahit sa konting paraan man lang.
“Ito ay bahagi rin ng peace and unity efforts ng MILF,” sabi ni Madame Guiahrina na anak ng field commander ng 105th Base Command na si Commander Zacaria Guma. (RAMIL H. BAJO-MINDANAO DESK/PHOTO CREDIT TO DATU ALI BAMBAD II)