Tinig ni Rex Molines

Marso Kinse: ang pagtatakda ng ECQ at Lockdown sa bansa

Isang buwan na! Oo, nakaisang buwan na tayo buhat nang ipatupad ang community quarantine o ang pinalawig na enhanced community quarantine at Lockdown sa buong Luzon at ang pagtatakda ng state of calamity sa ating bansa (Marso 15, 2020) dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) global pandemic.

Sa loob ng isang buwan ay marami tayong pinagdaanan. Marami ang nabigla at hindi batid ang pagtatakda ng malawakang community quarantine sa bansa. Marami ang nawalan ng trabaho, hanapbuhay, at mapagkikitaan.

Mula nang pumutok ang balita tungkol sa lockdown ay halos ‘di magkandaugaga ang taumbayan sa pamimili ng mga basic commodities at syempre inubos din ang stock ng mga alcohol at face mask. May mga nagbebenta nito na mas triple pa ang presyo at agad namang sila nahuli ng mga otoridad. Ang bawat indibidwal na may kakayahang makabili at mag-stock ng mga pagkain ay nag-panic buying at ang mga mahihirap naman at walang kakayahang mamili ay tanging pagpa-panic na lamang ang nagawa. Pinagbawal din ang pagbebenta ng mga alak o ang pagpapatupad ng Liquor ban sa bansa.

Marami ang hindi nakauwi sa kani-kanilang mga tahanan. Marami ang naglakad ng kilo-kilometro ang layo makarating lamang ng ligtas sa kanilang mga pamilya sa probinsya. Nagtakda ng 24 oras na curfew gaya sa Mandaluyong at iba pang mga lugar sa NCR. Nagkaroon din ng quarantine passes ang bawat pamilya para sa mga lalabas ng bahay at mamimili ng pagkain at mga gamot sa botika na kakailanganin. Ang bawat mga barangay at ang mga kalye ay naglagay din ng sariling gate o harang upang hindi makapasok ang mga taong maaring maging carrier ng coronavirus at makahawa pa. Pinaital natin ang physical or social distancing sa isa’t isa na higit isang metro ang layo. Ang mga matatanda at mga bata ay hindi pinapayagang lumabas ng bahay dahil sila ang mas vulnerable sa virus. Naglipana rin ang mga fake news patungkol sa banta ng coronavirus sa bansa. Pinagbawal ang pagpunta sa mga major events sa bansa at ang pag-attend sa mga birthday, christening, wedding, anniversary celebrations, at iba pang social gatherings dahil maaring maging daan ito para maipasa ang virus sa iba.

Dahil sa Social Distancing natuto tayong dumistansya sa isat isa. Natuto tayo pumila ng maayos at maghintay sa ating turn. Natuto tayong masmapahaba pa ang ating mga pasensya.

Ang buong bansa ay nagtulong-tulong para sa bawat pamilyang lubos na naapektuhan ng pandemyang ito. Ang mga lokal na pamahalan o LGUs, mga artista, mga kumpanya ay nagbigay ng tulong para sa lahat; pagkain, pera, at mga tent at iba pang mga quarantine facilities na binuo sa pakikiisa din ng mga NGOs, public and private sectors sa bansa. Ngunit ito ay hindi madaling gawin at maipahatid sa mga nangangailangan sapagkat halos ang lahat ay apektado ng lockdown at hindi pa naaabutan ng ayuda hanggang sa mga oras na ito.

Maraming mga eksperto sa medisina ang sumusubok na makagawa ng kaparaanan para sa testing kits at mga gamot na maaring makatulong sa pagpigil ng virus na makahawa pa nang ibang tao na hanggang ngayon ay pinag-aaralan pa rin. Bumili rin tayo ng milyun-milyong halaga ng mga equipment machines mula sa ibang bansa na masmapapabilis ang pagdetect kung ang indibidwal na susubok nito ay PUMs o PUIs ba at kailangan ng agarang gamutan para ma-quarantine. Nagpadala ng tulong ang china sa ating mga frontliners upang makontrol ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Halos ibinuhos na natin ang ating isang daang porsyento lalo na ang ating mga bagong bayaning buhay na mga frontliners o ang mga humaharap sa pagsugpo ng pandemyang ito. Ang mga nasa food industry, medical industry, banking industry, mediamen, kapulisan, mga sundalo at army, security guards, housekeeping, ang mga magbabasura, at iba pang mga magigiting nating mga bayaning walang pangalan sa kasalukuyang panahon ay magiting na nakikipaglaban sa nakakatakot nating kalaban na hindi natin nakikita. At marami na rin sa kanila ang nagbuwis ng buhay dahil sa pakikipaglaban sa pandemiyang ito.

Sa kabila nang lahat, marami pa rin sa atin ang mga pasaway at hindi natututong makinig at isabuhay na ang COVID-19 na kumikitil ng maraming buhay ay dapat nating pagtulungang supilin. Ito ay ang pakikiisa natin sa mga alintuntunin ng pamahalan, lokal na gobyerno, at ang mga barangay na tayo sana ay manatili sa loob ng ating mga tahanan at huwag ng magpasaway.

Ngayong extended pa ang quarantine at lockdown sa bansa hanggang Abril 30, 2020. Batid naman natin na ito ay magtatagal pa at alam naman natin na malaki ang posibilidad na magtuloy-tuloy pa ang lockdown dahil sa hindi pa  naabot ang pinaka peak nito. Inaasahan natin na mag-flattened ang linya sa datos ng mga nagpopositibo sa COVID-19 at wala nang mahawaan pa.

Ang mga nag-negatibo na sa virus o tuluyan ng gumaling ay inaasahan ng Department of Health na makapag-donate ng kanilang plasma dahil sila ay may mga anti-body na maaring makatulong ng malaki sa mga patuloy na nakikipaglaban sa coronavirus disease 2019.

Marami pa tayong dapat pag usapan gaya ng edukasyong naudlot mula ng pumasok ang pandemiyang ito sa ating bansa. Pinagpaplanuhan din ng DepEd na mabigyang tugon o halaga ang online teaching sa mga private schools ang mga mag-aaral at kung walang kakayahan ay dapat matapos ng mga estudyante ang kanilang mga naunsyaming pagtatapos ngayong taon. Patuloy pa ring pinag-aaralan ng DepEd ang mga hakbangin o guidelines patungkol sa darating na school year.

Batay sa datos ng DOH kahapon, ang bilang ng mga nagpositibo na sa virus ay umabot na sa 5,223. Ngunit marami namang naitalang naka-recover na umabot sa 53 kahapon at 20 naman ang mga nasawi habang 291 naman ang nadagdag na bagong kaso ng mga nagpositibo sa COVID-19 (Abril 14, 2020 AT 7PM).

Sa mga nagdaang pag-uulat ni Pangulong Duterte ay mukhang may posibilidad pa na magpatuloy ang lockdown. Sa naging pahayag naman ng Department of Health na maari pang magtagal ang COVID-19 sa bansa hanggang Enero 2021. Kaya naman dapat tayo ay manalangin at huwag ng mag-isip pa ng mga alalahanin. Matapos na sana ang ating kalbaryo sa pakikipaglaban sa COVID-19 sa lalong madaling panahon. Marami na po ang nagugutom na pamilya ngayon at patuloy pa itong nadadagdagan dahil sa mga bagong mahihirap sa bansa kabilang ang middle class, at ang poorest of the poor. Palakasin po natin ang ating resistensya at pananalig sa Diyos na Siyang maylikha ng lahat. Hindi pa ito ang katapusan ng lahat. Muli po tayong babangon.