KORONADAL CITY, Philippines — Nagkaisa at nagtulungan ang dalawang kongresista ng probinsya ng South Cotabato at ang alkalde ng General Santos City para matulungan ang problemadong “vegetable farmers” ng Barangay Maligo sa bayan ng Polomolok.
Ayon kay Kapitan Eliseo “Kayot” Canajero, Sr. ng Barangay Maligo, problemado ang mga vegetable planters sa kanyang barangay kung paano maibenta ang tanim nilang mga gulay na natengga (at posibleng mabulok na lamang) dahil nawalan sila ng “market” dahil sa COVID-19. Wala silang mahanap na mga buyer.
Aniya, sinagot ng Diyos ang kanilang panalangin na sana malutas ang kanilang problema.
“Dako among pasalamat kay Congresswoman Shirlyn Bañas sa iyang pag adto ug pagtabang sa amo na makakita mi ug buyer sa among mga gulay diri sa Maligo (Malaki ang pasasalamat namin kay Congresswoman Shirlyn Bañas sa kanyang pagpunta at pagtulong sa amin upang makahanap kami ng mga buyer ng aming mga gulay),” sabi ni Kapitan Canajero.
Ayon sa statement na pinoste ni Congresswoman Bañas sa kanyang social media account, sinabi nito na tinulungan siya ni Mayor Ronel Rivera ng General Santos City at South Cotabato 2nd District Congressman Atty. Ferdinand “DINAND” Hernandez.
“Mayor Rivera immediately purchased vegetables for the Central Kitchen of Gen. Santos city which provide meals for the frontliners. Congressman Hernandez on the other hand assisted in connecting the farmers of Maligo to a major food distributor in the City of Koronadal which will purchase their available vegetables and sell it in South Cotabato,” sabi ni Congresswoman Bañas.
Ayon sa tatlong mga opisyal, dapat sa panahon ngayon ang lahat ay nagtutulungan para sa ikakabuti ng lahat. (RAMIL H. BAJO via MINDANAO DESK)