BERSO: KUNG BUHAY KA RIZAL ni Samuel Bathan de Ramos

Read Time:2 Minute, 2 Second

Minsa’y biglang sumagi sa aking isip,
Ano nga kaya kung ikaw ay magbalik,
At masaksihan ang kinahinatnan ng tula at titik,
Matuwa ka kaya o magdamdam nang labis?

‘Pagkat ngayon ang iba’y balbal na ang gamit,
Tila nawawala na’t nauupos ang bisa at rikit,
Ng sining na dati ay siya mong sandata’t tinig,
Na naging mitsa ng iyong maagang pagpikit.

Kung iyo lamang sanang matutunghayan,
Ang mga akda na ngayon ay naglalabasan,
Mga balitang huwad at di-mapagkakatiwalaan,
Malayong-malayo sa mga gawa mong naghatid ng kalayaan.

Sa pananaw ng nakararami, di-sapala ang tagumpay,
Ngunit sa sansinukob,
Ikaw ang nagpatunay
Na kung magkakaisa,
Kaya nating lumikha ng tulay na magdurugtong,
At sa bawat mahahalagang akda
Kaya nating bumuwag ng mga pader na siyang dibisyon
Na nagkukulong sa mga pagkakataon at pagsulong.
Ikaw ang nagbigay katuparan—
Ang palana’y may hangganan,
Ngunit ang mabubuting bagay na gagawin ay maiiwan,
At kailanma’y hindi malilimutan.

Sana nga ay muli kang dumaan,
Upang ang mga nakalilimot ay mapaalalahanan,
Ang mga kabataan pa rin ang pag-asa ng bayan!
May oras pa!
May paraan!
May dahilan!

Ngunit mali na muli ka pang tawagin,
Pagkat ang iyong tadhana’y hinarap mo na
Nang iyong sapitin,
Ang madilim na bahagi ng kasaysayan natin,
Kung saan ang malayang pagpapahayag
Ay krimen at dapat tapusin!

At ngayon,
Tila nauulit na naman,
Ang pagsupil sa ating karapatan!
Ang maglathala o bumatikos ay kasalanan!
At ang bibig ng nais ng pagbabago ay kailangang busalan!

Kung buhay ka Rizal?
Alam kong hindi ka mananahimik!
At kung estado ng bayan ay iyong mababatid?
Alam kong ika’y alumpihit!
Dahil sa kasaysayang nawawalan ng saysay,
Dahil sa karimlan na ngayo’y buhay na buhay.
Dahil kapwa Pilipino—
Ang naghahati-hati at nag-aaway-away!

Ngunit ito ay aming panahon,
Sandali kung kailan malakas na naman ang alon,
Kung saan ang malaking ambag ninyo ay natatapon,
Kaya—
Kung sa akin man ay may nakaririnig ngayon,
Nawa’y kaisa ko sila sa pagsabak sa hamon.
Ang pluma ay muli naming maituon,
Upang ang bayan mo,
Ang bayan ko,
Ang tanging bayan natin ay maiahon,
At nang ang kasalukuyang ito ay maging matagumpay!
Tagumpay na magiging pamana namin at pabaon,
Sa susunod pang henerasyon.

At sa panahong iyon, nais kong ikaw ay nakatanaw,
Sa pagkakataong napatid natin ang uhaw,
Sa bayan nating dati ay makulimlim ang langit,
Ngunit kinulayan natin ng bughaw! (Ni SAMUEL BATHAN DE RAMOS)
***

http://www.facebook.com/thefrustratedpoet.com

About Post Author

Diyaryo Milenyo

DIYARYO MILENYO is a free and independent online media outfit that publishes events happening in the local communities and current issues that matter to the public with local, national and global implications. DIYARYO MILENYO is composed of volunteer journalists and community writers scattered in various parts of the Philippines. They report the news right and where it happens. It adheres to the standards and ethics of journalism. It imposes strict rules against attacking someone. Strictly adhering to publish good news only.
Happy
Happy
0 %
Sad
Sad
0 %
Excited
Excited
0 %
Sleepy
Sleepy
0 %
Angry
Angry
0 %
Surprise
Surprise
0 %
Previous post PHOTO NEWS: Koronadal City namahagi ng “food packs” sa ibat-ibang mga barangay nito ngayong-araw
Next post HAPPY MOMS DAY: Celebrating the Mothers’ Day during the quarantine
%d bloggers like this: