Kung minsan,
Makikita lamang natin ang halaga ng mga tula
Kapag wala na ang sa kanila’y may-akda.
Mapagtutuunan ng pansin ang pinaghalong kulay
Na ipinahid sa puting kambas ng kanilang diwa.
Maririnig lamang ang lamyos ng tinig, ang bawat himig
Kapag lumisan na ang umawit sa madla.
Mapapansin ang kanilang sining
Na pinuhuna’y puso, dugo,
Isip at pawis bago nagawa.
Hahanapin ang mga iniukit na obra sa sandaling
Hindi na nila maririnig ang matatamis na papuri,
Ang paghanga at ang mabulaklak nating mga salita.
Ang ganda ng likhang sining ay mangingibabaw,
Gugunitain ang kanilang buhay, bibigyang-pugay,
Kapag kapiling na nila ang dakilang Lumikha.
Categories: Berso de Estilo Pilipino