Sino ba ang hindi naghahangad ng magandang kapalaran sa hinaharap? Mga agam-agam sa buhay kung kailan ba darating ang swerteng inaasam. Mga nagpapahula kung ano’ng ibigsabihin ng guhit sa ating mga palad sa pamamagitan ng tarot cards na ginagamit ng mga manghuhula.
Sa pagkakataong ito, ninais ng inyong abang lingkod na bigyang daan ang tungkol sa guhit o linya ng ating mga palad. Isa na dito ang tinatawag na “Simian line”.
GUHIT NG PALAD: Ang ating mga kamay ay may malaking gampanin sa ating pamumuhay. Ang kamay ang siyang humahawak o gumagawa ng lahat ng mga bagay sa ating paligid upang mapadali ang lahat ng ating mga gawain sa araw-araw na pamumuhay. Nagtataka ka ba sa mga putol-putol na linya nito? Naisip mo ba kung ano’ng ibigsabihin ng mga linya o guhit sa iyong palad? Kung ang linya o guhit ng iyong palad ay diretso, malamang isa ka sa mga taong may Simian line.
ANO ANG SIMIAN LINE? Ang Simian line o Single Palmar Creases ay diretsong guhit o linya na makikita sa palad ng isang tao. Bibihira lamang ang mga taong may diretsong linya ng palad. Pinaniniwalaan na ang mga taong may Simian line ay may dalang swerte sa kanilang pamumuhay ngunit hindi ito batid ng ilan sa atin.
Ang pangkaraniwang palad ng isang tao ay nahahati sa tatlong linyang putol-putol at pakurba na dumudugtong sa ating isip, puso, at buhay. Ang tao’ng ipinanganak na may Simian line ay mayroong iisang kombinasyong linya na dumudugtong sa isip at puso. Makikita sa larawang ito ang simian lines;
3 KATEGORYA NG SIMIAN LINE: Nahahati sa tatlong kategorya ng pag-aaral tungkol sa Simian line. Ang tinatawag na Dermatoglyphics, na hango sa Ancient Greek derma= “Skin”, glyph= “carving”, ang siyentipiko at biyolohikal na pag-aaral patungkol sa ating fingerprints. Ang Psychodiagnostic chirology o ang pag-aaral/pagbabasa tungkol sa ating mga kamay o palad. At ang Physiology, na may kaugnayan sa chromosomal disorder ng isang tao.
KARAKTERISTIK NG TAONG MAY SIMIAN LINE? Ang mga taong may Simian line ay may konsentrasyon o focus sa kanilang mga ginagawa. Mabilis makapag-isip, very creative, at may iisang direksyon ang bawat naisin sa buhay. Sinasabing mahaba rin ang kanilang buhay at malayo ang mararating sa larangan na kanilang pipiliin.
Ayon sa pag-aaral ng mga dalubhasa sa palad o palmistry, bibihira ang mga taong isinilang na may diretsong guhit ng palad. 1 sa 30 sanggol na ipinapanganak ay simian line ang palad. Masmarami ang kalalakihan ang mayroong Simian line kaysa babae. Bihirang makatagpo ng tao na ang magkabilang palad o both palm ay may parehong Simian lines. Ang iba naman ay left o right palm lamang ang mayroon nito na iba sa kabilang palad.
Mapalad ang mga taong may bukod tanging tuwid na linya sa kanilang palad. Dahil nagme-merge o konektado ito sa puso at isip na may iisang direksyon. Likas sa mga taong may Simian lines ang makapag-isip ng lohikal o rasyonal na pananaw sa buhay. Nakokontrol nila ang pagiging emosyonal. At dahil balanse ang kombinasyon ng linya ng puso at isip, hindi agad-agad sila napaparalisa sa mga sitwasyon ng kanilang pamumuhay. Malawak ang kanilang interest sa mga adhikaing alam nilang makabubuti sa kanilang sarili at kapwa. Sakatunayan, maraming pag-aaral ang nailathala patungkol sa Simian lines at maari itong mabasa sa internet at iba pang babasahin.
MAPALAD NA PANANAW: Hindi masama ang malaman natin kung ano’ng kapalaran ang naghihintay para sa atin sa hinaharap. Ang mga guhit, linya ng ating palad ay sumisimbulo lamang sa mga elementong maaring maiugnay sa mga planeta, tubig, hangin, lupa, apoy, buwan at mga bituin sa mundong sopistikado at nababalot ng mga haka-haka, agam-agam sa ating pamumuhay at lipunang ginagalawan.
Sabi nga ng mga nakatatanda, “You are the master of your soul”. Tayo ang gagawa ng ating kapalaran. Tayo ang mamumuno sa buhay na gusto nating tahakin sa hinaharap. At tayo ang magtutuwid sa mga baluktot nating pananaw sa buhay. Kailangan lamang nating kumilos ayon sa ating kagustuhan at pagpapasya ng walang tinatapakang tao at pinangangambahan sa kasalukuyan at hinaharap. (Words & Photo courtesy: Rex B. Molines | Published in Pilipino Mirror)
#PinoySimianLine
#SimianLine
#MapaladNews