Naalala niyo pa ba?
Ang unang araw natin sa eskwela?
Kung saan ‘di pa tayo magkakakilala,
At pawang mga estranghero sa bawat isa.
“Ako nga pala…”, ang ating panimula,
Na sinundan ng, “Nice to meet you. Kamusta ka?”
Nagkakahiyaan pa noong una,
Sa’ting mga bibig, walang lumalabas na salita.
Ngunit nang magkasalubong sa daanan,
Kasabay nun, tayo ay magngingitian.
Nagkatanungan ng mga pangalan,
Hanggang sa magkatabi sa mga upuan.
Nauwi sa simpleng mga usapan,
Di naglaon nagkasabay tuwing tanghalian,
Nagkapalitan ng mga paborito at gusto,
Doon nagsimula ang pagkakaibigang lumalago.
Ang sarap balikan kung paano tayo nagsimula,
Alalahanin kung paano tayo noong una.
Hindi ko akalaing tayo ay magkakasundo,
At magkakabiruan ng ganon kagulo.
Subalit sa pagkakataong ito,
Bilang na ang ating mga minuto.
Parang kailan lang tayo nagkakilala,
Ngunit ngayon tayo’y magkakanya-kanya na.
Kaya bago matapos ang taong ito,
Nais ‘kong magpasalamat sa mga nakilala ko
Mga taong naging parte ng buhay ko,
Aking sisimulan dito;
Si kaklase ‘kong supplier ng pulbo,
Si katabi ‘kong mapagbigay ng pabango,
Si klasmeyt na sa papel ay mayaman,
Si klasmeyt na pagkain sa bag ang laging laman.
Sa mga mahilig itali ang bag sa upuan,
Sa mga nagtago ng cellphone na di matagpuan,
Sa mga may utang na di pa nababayaran,
Sa mga may liptint na 24/7 pwedeng hiraman.
Sa may-ari ng malinaw na kamera,
Na natadtad ng ‘credits’ dahil sa mga kuha.
Sa taong source ng sagot sa test paper,
Ikaw ay matatandaan namin forever.
Sa seener ng ating groupchat,
Si human calculator na lodi sa math,
Sa class joker na kinagigiliwan ng madla,
Si english translator na bahala sa mga salita.
Sa masasaraduhan dahil late,
Si pabibo na aming slightly hate,
Si klasmeyt na laging nagrerecite,
Sa bahay ni klasmeyt na suki ng overnight.
Sa klasmeyt na tuwing wala si Ma’am ay singer,
Kasama si gitarista na laging nagso-song cover,
Sa mga dancers na ang katawan ay pala-shake,
Si mag-jowang klasmeyt na laging nagbe-break.
Sa mga tumatakas dahil cleaners,
Sa mga klasmeyt na favorite ng teachers,
Sa mga nagpapatawa tuwing may reporting,
Si groupmate na nawawala tuwing researching.
Si crush na di natin nalaman ang pangalan,
Si ateng marupok na nasa kabilang silid-aralan,
Si bebe natin na nakilala sa may damuhan,
Si ex-crush na pilit nating kinakalimutan,
Sa mayor at vice naming magulo,
Si secretary na dagdag sa panggugulo,
Si treasurer na napapasabak sa singilan,
Si adonis at muse na kawawang napagtripan.
Si seatmate na laging kadaldalan,
Si buddy na kasabay sa uwian,
Si beshy na maasahan,
At ang buong klase na di malilimutan
Si Sir na kahit bawal naging crush natin,
Si Ma’am kwela at naging barkada namin,
Mga gurong nag-walk-out dahil kami’y makulit,
Sa aming adviser, hiling nami’y ikaw na lang ulit.
Sa loob ng isang kwarto,
Samahan namin ay nabuo.
Bagama’t may away kung minsan,
Di nalilimutan ang salitang kapatawaran.
Madalas kami ay tinatawag na magulo.
Mga madadaldal, pasaway at walang modo.
Minsan binansagan ‘pang mga demonyo,
Ang pabirong turing sa’min ng mga kaklase ko.
Ngunit iisa lang aking nasisigurado,
Iba-iba man ang talento, iisa ang aming puso.
Di man kami sobrang matalino,
Ipagmamalaki ko ang aming samahan na totoo,
Masakit isipin na tayo ay magkakalayo
Lilihis ng mga daanan, mag-iiba ng destino
Ilang araw na lamang ang lilipas,
Pero ang mga alaala nawa’y hindi kumupas
Sa aking mga kaklase,
Kailanman hindi ko isasantabi,
Ang kasabihan na ating ibinalot,
Sa mga pangako na walang makalilimot.
Ngayong matatapos na ang tulang ito,
Nais kong sabihin na mahal na mahal ko kayo.
Sana’y basahin mo ito kahit saglit,
At mga nalalabing araw ay ating isulit.
Nagsimula tayo sa, “Ako nga pala si..”
At magtatapos sa, “Hanggang sa muli..”
‘Di ko malilimutan ang mga alaalang dala,
Na dulot ng aking pangalawang pamilya. (WAKAS)
BISITAHIN ANG OFFICIAL PAGE NG BERSO DE ESTILO PILIPINO