Occidental Mindoro, Philippines — Isa ang Barangay Udalo sa mga barangay ng munisipalidad ng Abra De Ilog na salat sa transportasyon, pero mayaman sa kalikasan. Matatagpuan ito sa Occidental Mindoro. Montenegro Lines ang karaniwang naghahatid sa mga pasahero mula pier ng Batangas papuntang Abra De Ilog Port at vice versa.

Bago ka makarating sa Udalo, kailangan mo munang mag renta ng bangka. Merong public at private bangka. Sa private bangka, P500.00 ang renta nito, pero kung nagtitipid ka, P50.00 lang ang bayad sa public bangka. Pero hindi lahat ng oras ay may public bangka. Kung gusto mong sumakay dito, kailangan nasa Abra De Ilog port ka na nang alas 4:00 ng umaga. Kapag tinanghali ka ng dating sa port, private bangka na ang mare-rentahan mo, dahil ang dagsa nang pasahero ay madaling araw.

Tip: Kaibiganin mo ang bangkero at humingi ng kopya ng cellphone number nya para friends na nga kayo, may one call away bangkero ka pa!
ACCOMMODATION: Isa ang Jhan’s place sa mga affordable accommodation na pwede mo rentahan. Tourist attraction rin ito. Bakit? Dahil meron silang coconut tree house!

Isa ang coconut tree house sa mga dinarayo dito. Meron itong isang pang dalawahang higaan na may malambot na kutson, wooden table and chairs, at sahig na yari sa kahoy na naka hang sa mga puno ng niyog na sinusuportahan ng mga poste sa ilalim nito. Madalas na makikitang natutulog sa silong ang mga alagang manok. Peak season ang January hanggang June. Kaya mag book ilang buwan bago ang planong araw para siguradong makakakuha ka ng bakanteng araw.
Pag baba mo ng bangka, isang malawak na bakuran ang bubungad sayo. Merong hammock na pwedeng tambayan habang naghihintay ng sunrise at sunset. Pwedeng kumain by the beach. Meron silang tables and chairs na pwedeng gamitin. Pwede ring mag bonfire, mag tent pitching, mag ihaw, at syempre, maligo sa napaka linis na dagat.
Hindi lang crystal clear na tubig dagat ang magpapa ‘wow’ sayo. Rock formations na hinulma ng alon sa paglipas ng panahon ang isa sa mga maipagmamalaki ng barangay. Meron ring turtle hatchery na ilang metro lang ang layo mula sa accommodation. At sa karatig na mga tuluyan, meron ding Tuko beach! Pinangalan ito na Tuko dahil sa ingay ng tuko sa specific part na syang kinatatayuan ng resort.

HONEST STORE
Alam mo bang may honest store rin sa Jhan’s place? Meron silang tindang kape, asukal, noodles, biscuits, de lata, sabon, shampoo, iba’t ibang klase ng juice, softfrinks, at may alak pa. Ililista mo lang sa notebook na nilaan ng caretaker ang mga items na nakuha at bago mag check out na ito babayaran. Be honest lang dahil isa ang tindahan sa pinagkukunan ng hanap-buhay ng mga caretakers doon.
Sa umaga, meron ng mainit na tubig sa termos na makikita sa shared kitchen. Pwede ritong magluto at pwede ring kumain kasama ang iba pang guest. Sa katabing accomodation, merong karinderya na nagluluto ng napakasarap na pancit, pwede rin dito kumain at magpa luto ng pagkain. Merong mga manok na gigising sayo sa umaga at pwede mo ring bigyan ng pagkain.

Tip: Magbaon ng ready to eat foods para makatipid at hindi mapa sobra ang gastos.
ADVENTURE: May mga activities na pwedeng gawin.
Pwedeng mag trekking at mag picnic sa Kalong River, Latag trail, Agbabala falls, at pwede ring tumawid papuntang Puerto Galera para ma-enjoy ang nightlife.
SECRET: Isa ang dagat ng Udalo sa mga may crystal clear waters. Kitang kita ang mga halamang dagat at magagandang bato sa ilalim ng tubig. Ang buhangin sa ilalim ng tubig ay mala pulbos at ang buhangin sa baybayin ay napaka pino. Hindi mo aakalain na may natatagong yaman ang Udalo.
Hindi lang kalikasan ang mayaman dito. Likas na matulungin ang mga lokal. Kilala sila sa pagiging matulungin sa turista, palakaibigan at tapat sa kapwa. Masiyahin sila at pala kwento. Maliit lang ang barangay Udalo, pero malaki naman ang puso ng mga tao dito. Mayaman ang kalikasan at tunay na babalik balikan.

Kapag ligtas na bumiyahe at mamasyal, bakit hindi mo isama sa bucket list mo ang Udalo, Abra De Ilog, Misamis Occidental.
Oo nga pala, bago ko makalimutan, walang signal ng network sa lugar. Kaya mapapahinga ang utak mo sa mga negatibong naglipana sa social media.
Pero huwag mag alala, maglakad lakad papuntang kanan at hanapin ang nakatumbang mga puno. Malay mo hindi lang signal ng network ang makita mo, dahil dyan ang tambayan ng mga foreigners na baka sya na ang forever mo. (Via Occidental Mindoro. WORDS & PHOTO CREDIT TO RINALYN MAGLALANG)