OPINION: Kafkaesque, simula ngayong Hunyo Uno

Read Time:4 Minute, 3 Second

Noong Huwebes, naglabas ng anunsyo ang pamahalaan na ilalagay na sa ilalim ng General Community Quarantine ang buong Metro Manila. Ayon ito sa rekomendasyon ng Inter-agency Task Force o IATF na sinuportahan naman ng 17 na punong-lungsod para maituloy na ang naantalang daloy ng ekonomiya dahil sa peligrong dala ng COVID-19.

Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!

Inulan ng samu’t saring reaksyon ang desisyong ito. Paano tayo makakasigurong ligtas nang bumalik sa trabaho nang walang dalang pasalubong na sintomas sa ating pag-uwi? Masuwerte ang mga nailipat sa work from home set up. Hindi na kailangang mag-commute papasok sa trabaho habang kinakalabit ng COVID-19 sa kaniyang paglabas. Pero paano naman ang mga trabahong hindi gagana ang work from home tulad ng mga kahera, mga gasoline attendant, mga tsuper? Sa desisyong ito, delikado ang pamilya ng manggagawa. Egul. Ipit sila kung pipiliin ang kaligtasan ng pamilya at manatili sa bahay o lumabas at magbanat ulit ng buto para may mailapag sa lamesa.

Naalala ko ang bida sa isang kuwento ni Franz Kafka, ‘yung Metamorhposis. Tungkol ito sa isang Gregor Samsa, isang salesman, na nagising bilang isang insekto. Siya ang pangunahing inaasahan ng kanilang pamilya para magtrabaho at kumita kaya noong natuklasan niya ang kaniyang transpormasyon, ang una niyang inisip ay kung paano siya makakapasok ng trabaho.

Nabanggit din sa kuwento na baon sa utang ang pamilya ni Gregor. Aabutin ng lima, hanggang anim taon pa bago tuluyang mabuno ang utang ng kaniyang pamilya sa kaniyang pinapasukang trabaho. Ito rin ang dahilan kung bakit dito nagtrabaho si Gregor. Alay, kumbaga. Sakto lang ang sahod para makabayad ng utang at sakto lang din sa kabilang banda para may maiuwing pera sa pamilya. 

Ipinakita ng kuwento kung gaano kahalaga para sa isang manggagawa ang kaniyang trabaho. Sino ba namang mag-iisip na pumasok sa trabaho kung nalamang naging isang insekto ka pagmulat ng mga mata mo? Sinong mag-iisip na unahin ang trabaho kaysa sarili? Siguro kung kinakailangan mo ring magtrabaho, magbayad ng utang, at maglagay ng pagkain sa hapag, mala-mala, ikaw ang sino.

Ang mga kuwentong tulad nito ay binansagang Kafkaesque. Patungkol sa mga kuwento’t nobela ni Franz Kafka kung saan walang palag ang bida sa kaniyang sitwasyon at sa mga bagay na kinakailangan niyang gampanan—tulad ng dinanas ni Gregor sa kuwentong Metamorphosis. Ito ay ang pagtugon ng isang manggagawa sa kaniyang mga responsibilidad at sa pangangailangan ng kaniyang pamilya habang gumagalaw sa isang sistemang pinipilit niya pang gamayin.

1915 pa noong nailabas ang kuwentong ito. Lampas isang daang taon na ang nakalipas pero hanggang ngayon, may kilapsaw pa rin sa hinaharap—lalo na ngayong panahon ng pandemiya. Iniipit ng reyalidad ang mga manggagawang magpatuloy sa paghahanap-buhay at makihalubilo sa ibang tao na maaaring magpaambon sa kanila ng sakit na hindi maglalaon ay maibabahagi rin sa kani-kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pagmamano, paghalik sa pisngi, o pagyakap matapos ang nakakapagod at nakakakabang trabaho sa labas.

Sa ngayon, mayroong nang mahigit 17,000 na kaso ng COVID-19 sa bansa at hindi wais ang lumabas-labas ng bahay dahil wala pa ring isinasagawang mass testing para mas matukoy at alamin kung sino-sino ang maaaring nagdadala ng sakit. Sa 17,000 tala na ito, 7,000 ay galing sa Metro Manila na sentro ng mga trabaho sa bansa. At sa huling pagtatala, nasa ikatlong pwesto na ang Pilipinas sa mga bansang may matataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19. Ang Singapore mahigit 34,000 at ang Indonesia naman ay humigit 25,000 na kaso ng nasabing virus. Mangarap na lamang tayo na hindi na lumobo pa ang mga kasong ito, ngunit huwag tayong umasa.

Paniguradong babalik na sa trabaho—kung mayroon pang babalikan—ang mga empleyado sa Metro Manila kasabay ng pagpapatupad ng GCQ sa rehiyon. Kasabay ng pagbalik nila ang panganib ng mas maraming kaso. Hindi ko sila masisisi kung pipiliin nilang bumalik at magtrabaho. Malamang, naubos na ang ayudang natanggap nila mula sa gobyerno pati na rin ang kaunting naipon bago magka-COVID-19. Walang-wala na sila at kailangang kumayod para magkaroon ng pera, o ng COVID-19, alinman sa dalawa.

Sino bang mag-aakalang maiuugnay ang danas ni Gregor Samsa na produkto ng imahinasyon sa danas ni Juan dela Cruz sa New Normal? Patunay na nakapusod sa katotohanan ang pagkatha. Siguro nga’y repleksyon ng katha ang katotohanan—at ito ay ang kagustuhang kumayod ng manggagawa sa kahit ano mang kalagayan ng taong nakapaligid o lipunan para may makain, ipambayad sa utang, o panustos sa pag-aaral.

Kafkaesque mismo ang aktong ito dahil kailangang kumayod sa gitna ng pandemiya. Literal na nasa palad na ng mga manggagawa ang kanilang aksyon. Kung ano man iyon, basta maging maagap, mag-facemask, dumistansya, at panatilihing malinis ang ating mga kamay. Kafkaesque, simula ngayon. Pero hanggang kailan? (BENJO GUTIERREZ / PHOTO COURTESY: MEDIUM.COM)

About Post Author

Diyaryo Milenyo

DIYARYO MILENYO is a free and independent online media outfit that publishes events happening in the local communities and current issues that matter to the public with local, national and global implications. DIYARYO MILENYO is composed of volunteer journalists and community writers scattered in various parts of the Philippines. They report the news right and where it happens. It adheres to the standards and ethics of journalism. It imposes strict rules against attacking someone. Strictly adhering to publish good news only.
Happy
Happy
0 %
Sad
Sad
0 %
Excited
Excited
0 %
Sleepy
Sleepy
0 %
Angry
Angry
0 %
Surprise
Surprise
0 %
Previous post BERSO SA DIYARYO MILENYO: Kadenang Karamdaman ni Makatang Torpedo
Next post DEPED BULLETIN: BRIONES ON DISTANT LEARNING

Discover more from Diyaryo Milenyo

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue Reading

%d bloggers like this: