SULTAN KUDARAT, Philippines — Isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang inimbita ng provincial government ng Sultan Kudarat upang saksihan kahapon (Lunes, June 1, 2020) ang pagbabalik ng 269 bakwet sa kanya-kanya nilang mga bahay matapos ayusin ni Governor Datu Suharto T. Mangudadatu, PhD ang gusot sa Sitio Kamanga sa Barangay Laguilayan sa bayan ng Isulan.
Sa isang simpleng-seremonya sa nasabing barangay, sinaksihan ni Assistant District Engineer Alihar A. Mama ng Sultan Kudarat 1st District Engineering Office ng DPWH na nakabase sa bayan na ito, pag-uwi ng nasabing mga bakwet sa kanilang mga bahay.
Kasama sa mga saksi at dumalo sa nasabing seremonya ay sina Board Member Kits Paja na tumayong representante ni Governor Mangudadatu, Judge Alamada, mga tropa ng Isulan-PNP at 7th Infantry Battalion (IB), mga Muslim leader at mga opisyal ng Barangay Laguilayan sa pangunguna ni Kapitan Amado Serra Jr.
Bago bumalik sa kanilang mga bahay ang nasabing mga bakwet, nagbigay muna ng kanilang mga mensahe ang mga inimbitang mga bisita at ang isa sa mga nagsalita ay si Engr. Mama, kung saan sinabi nito sa kanila ang mahalagang-papel na ginagampanan ng “komunikasyon” sa pagbibigay-solusyon sa mga problema sa komunidad.
Ayon kay Engr. Mama, dapat maging bukas ang mga mamamayan sa kanilang mga hinaing at mga problema sa kanilang mga komunidad sa mga opisyal ng gobyerno at sa mga lider nila upang mapag-usapan ito at mabigyan ng solusyon.
“Kung pinag-uusapan ang problema ng maayos, magiging maganda ang resulta at makapagbibigay ito ng produktibo na benepisyo sa mga residente.
Ayon sa report na natanggap ng DIYARYO MILENYO, si Engr. Mama ay isa sa mga napipisil na pipiliin ni Governor Mangudadatu na maging miyembro ng itatayo nitong “Council for Conflict Settlement” sa probinsya ng Sultan Kudarat. (ABDUL CAMPUA via MINDANAO DESK)