NAKALULUNGKOT isipin na marami ang nawalan ng trabaho mula ng ipatupad ang community quarantine sa NCR at lockdown sa buong Luzon nitong Marso 15, 2020.
Sa huling pagtatatala, umabot na sa 7.3 milyong Pilipino ang nawalan ng hanap-buhay o ng trabaho nitong buwan ng Abril ayon na rin sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA). Ito na ang pinakamataas na lebel ng kawalan ng hanap-buhay sa loob ng 15 taon.
Kahit isinailalim na sa General Community Quarantine ang Metro Manila nitong Hunyo 1, kapansin-pansin din ang kakaunting bilang ng mga nagsisibalik-trabaho na. Malayo sa inaasahan ng mga awtoridad na dadagsain ng halos 50% porsyento ng mga magbabalik trabaho sa Metro Manila at kahit pa nagpakalat ng mga masasakyang bus, P2P, at TNVS sa kahabaan ng EDSA.
Sa nagdaang mga pag-uulat na mahigit sa 10 milyong Pilipino ang mawawalan ng trabaho o higit pa kung magpapatuloy pa rin ang ating kinahaharap na pandemya sa bansa. Lalo pa’t maraming OFW’s ang nagbalik-bayan na sa kani-kanilang mga probinsya. At dapat bigyang pansin din ng ating gobyerno ang mga ito.
Sa totoo lang, may mangilan-ngilan na ring nagsara na kompanya at nagbawas ng mga empleyado dahil sa hindi na kakayanin pang mag-operate o i-sustain ng mga employer ang gastusin at bayarin sa kanilang negosyo at tuluyan na talagang malugi ito kung hindi rin sila magdedesisyon. At ito ay nauunawaan naman siguro ng ilang manggagawa ngunit paano na lamang sila at ang may mga sariling pamilya na umaasa rin sa kakapiranggot nilang sahod na mawawala pa? Paano na ang hanapbuhay ni Juan, paano na ang panggastos at pambili ng makakain sa araw-araw? Mga binabayarang upa sa bahay, tubig, kuryente, at pinagkakautangan. Lugmok na si Juan, paano pa kaya si Pedro? At ang mga kagaya rin nila?
Ilan sa mga lubos na maaapektuhang industriya rin na maaring magsara ay ang mga nasa hotel services, travel agency, arts & entertainment, recreations, at nasa events industry and advertising. Cutting employees ang mangyayari sa ngayon at kapag ito ay magpatuloy pa mapipilitan din ang mga employer na hindi na magbigay pa ng 13th month pay sa mga matitirang empleyado, ngunit hindi dapat abusuhin ng mga employer ang matitira sa kanilang mga empleyado na mag-o-over time.
Ayon na rin sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP), maaring magbalik ang operasyon ng mga nabanggit na industriya pagkatapos pa ng dalawang taon mula ngayon.
Sa pagkakataong ito, inaasahan na rin ng ilang mga manggagawa sa kanilang pinagtatrabahuhan na baka bukas-makalawa ay magdeklara na rin ng tanggalan o pagbabawas ng mga empleyado sa kani-kanilang trabaho. Bagay na ikinababahala ni Juan.
Kaya kaMilenyo, huwag po tayong mawalan ng pagasa na muling makakapag hanapbuhay tayo ng tuloy-tuloy. Maraming kaparaanan para kumita gayong may pandemya, ‘yun ang dapat nating linangin sa ngayon habang hindi pa nagbabalik sa normal ang operasyon ng ating pamumuhay. Huwag lang ipagsawalang bahala ng mga employer at ng gobyerno ang ating hanapbuhay habang nahaharap pa tayo sa banta ng COVID-19. DM