SENATOR NINOY AQUINO, Sultan Kudarat — Hindi inaakala ng isang teenager mula sa tribong-Manobo Dulangan na matutupad ang kanyang pangarap na makapag-aral ng kursong “midwifery” sa gitna ng pandemya ng COVID-19.
Abot-langit ang tuwa ni Kenny Mamo ng sabihan ito ni Mayor Randy Ecija Jr. ng bayan ng Senator Ninoy Aquino sa probinsya ng Sultan Kudarat na tutuparin nito ang kanyang pangarap sa tulong ng “La Familia Ecija,” kung saan ang ibig sabihin ay “Ecija Family.”
Kasama ni Kenny ang kanyang ina na si Juanita Mamo ng pumunta ito sa tanggapan ni Mayor Ecija noong umaga ng Lunes (June 8, 2020).
“Of course, tutuparin natin ang kanyang pangarap sa tulong ni Ate Che-Che Ecija-Eugenio at ng aking bayaw na si Dr. Dante Eugenio,” sabi ni Mayor Ecija sa interbyu sa kanya ng DIYARYO MILENYO via messenger.
Si Dr. Eugenio ay isang kilalang “Opthalmologist” at “philanthropist” sa buong probinsya ng Sultan Kudarat. Ang misis naman nito na si Che-Che Ecija-Eugenio ay ang may-ari at kasalukuyang school administrator ng Sultan Kudarat Educational Institution, Inc. (SKEI) na nakabase sa Tacurong City.
Napag-alaman ng DIYARYO MILENYO na marami ng pinag-aral na mga katutubo, kung saan karamihan ay mula sa tribo na Manobo-Dulangan, ng libre ang “La Familia Ecija” sa ilalim ng “scholarship program” nila.
“Marami na po kaming natulungan na makapag-aral at makakuha ng kurso na mga kabataan mula sa tribo ng Manobo-Dulangan. It’s an honor of the La Familia Ecija to serve and help them realized their dreams,” giit ni Mayor Ecija.
Karamihan sa natulungan ng “La Familia Ecija” na mga katutubo na makapag-aral at makapagtapos sa kolehiyo ay kasalukuyang nagsisilbi sa kapwa nila mga katutubo.
Ayon kay Mayor Ecija si Kenny ay magiging “scholar” ng “La Familia Ecija.” (RASHID RH. BAJO/PHOTO CREDIT TO MAYOR RANDY ECIJA JR.)