Ginawaran ng gobyerno ng Estados Unidos ang Novavax Inc. ng $1.6 bilyon upang masakop ang paggawa ng isang potensyal na bakuna para sa COVID-19 sa kanilang bansa, na layong makapaghatid ng 100 milyong dosis sa Enero 2021.
Inihayag ang parangal ng U.S. Department of Health and Human Services sa kanilang bansa mula sa pinakamalaking ‘Operation Warp Speed’. Isang inisyatibo ng White House na naglalayong mapabilis ang pag-access sa mga bakuna at paggamot para labanan ang nakamamatay na COVID-19.

“What this Warp Speed award does is it pays for production of 100 million doses, which would be delivered starting in the fourth quarter of this year, and may be completed by January or February of next year,” pahayag ni Novavax Chief Executive Stanley Erck sa Reuters .
Sinabi pa ni Erck na inaasahan ng Novavax ang mga resulta ng Phase I trial testing ng bakuna sa susunod na linggo. Ang kumpanya ay naglalayong magsimula ng mid-stage trials sa Agosto o Setyembre, kasama ang Phase III simula Oktubre. Saklaw din nito ang gastos para sa Phase III trial, ang final stage para sa human testing.
Sa katunayan, hindi lamang ang Novavax ang ginawaran ng ganitong kalaking pondo. Maging ang Johnson & Johnson ay ginawaran ng $456 million noong Marso, ang Moderna Inc., na $486 million noong Abril, at $1.2 billion naman para sa bakuna ng AstraZeneca PLC nitong Mayo na binuo sa Oxford University.
Iginawad din ang $628 million para sa Emergent Biosolutions Inc. upang mapalawak ang kakayahan sa domestic manufacturing para sa isang potensyal na bakuna. Bukod dito, naglaan din ang gobyerno ng U.S. ng $450 milyong kontrata sa Regeneron Pharmaceutical Inc., upang makagawa ng antibody cocktail para sa COVID-19.
Sinabi rin ng Kalihim ng HHS na si Alex Azar na ang pagdadag ng vaccine candidate na Novavax sa portfolio ng Operation Warp Speed ay patunay sa posibilidad ng isang ligtas at epektibong bakuna kontra COVID-19.
Sa kasalukuyan, ang Novavax ay wala pa sa listahan ng mga finalists ng bakuna para sa Warp Speed na naiulat ng New York Times na kasama ang Moderna, AstraZeneca, Pfizer Inc, J&J, at Merck & Co. (Ni Rex Molines)
Source: