
KORONADAL CITY, Philippines — Kinonsidera ng isang opisyal ng siyudad na ito ang “tsismosa” at “tsismoso” na mga “essential personalities” sa pakikipaglaban sa COVID-19, isang uri ng sakit na patuloy na nananalasa sa Pilipinas at sa iba’t -ibang bahagi ng mundo.
Sa interbyu sa kanya ng Radyo Rapido 92.5 FM ngayong-araw (Huwebes, July 9, 2020), sinabi ni City Councilor Gregorio Presga, chairman ng Association of Barangay Captains (ABC) sa siyudad na ito, na makokonsidera na mga “essential personalities” sa pagsugpo sa pagkalat ng COVID-19 sa siyudad at sa iba’t-ibang mga bahagi ng probinsya ng South Cotabato.
“Malaki at mahalaga ang mga papel nila sa pakikipaglaban natin sa deadly virus na COVID-19 dahil sa pagiging mapagbantay nila sa kanilang mga paligid. Kilala nila kung sino ang bagong dating at alam nila kung ano ang nangyayari sa kanilang mga paligid,” sabi ni Councilor Presga na siya ring kasalukuyang kapitan ng Barangay Saravia.
Si Councilor Presga ay kasalukuyang ex-officio member ng Sangguniang Panlalawigan (SP) dahil sa pagiging ABC tserman nito.
Hinikayat din nito ang mga tao na maging “vigilant” at laging maging “alerto” sa paligid upang maging ligtas sa nasabing “virus.”
Maalala na noong nakaraang mga buwan, sinabi rin ng isang kilalang broadcaster ng Brigada 95.7 FM na si Andy Laranja na malaki ang maitutulong ng mga tsismosa at mga tsismoso sa pagpigil at pagkalat ng COVID-19.
Kinilala ni Mr. Laranja ang “galing” at “sipag” nila sa pagkalap ng mga impormasyon na nangyari (at nangyayari) sa kanilang mga paligid.
Para sa kompletong detalye ng istorya tungkol sa sinabi ni Mr. Laranja tungkol sa tsismosa at tsismoso, paki click lamang po ang link na ito;
(Rashid RH. Bajo via DM-Mindanao Desk)