Tinig ni Rex Molines

TNRM: Hangga’t may tumitingala sa kalangitan, patuloy na magniningning ang mga tala

Lumulobong kaso ng Covid-19 sa bansa, pagsasabatas ng anti-terror bill, walang kasiguraduhan na blended learning ng DepEd para sa mga magbabalik eskwela, kawalan ng transportasyon, mga nawalan ng hanapbuhay at trabaho dahil sa banta ng pandemya, mga kumpanya na patuloy na nagsasara, at ang pagbasura sa franchise renewal ng ABS-CBN Broadcasting company, at marami pang mga usapin na hindi nabibigyang pansin.

Bakit nga ba tayo umabot sa ganitong punto? Bakit ganito ang ating kinakaharap ngayon? Bakit hindi matapos-tapos ang mga kontrobersiya sa politika, gobyerno, pribadong kumpanya, at sa sarili? Hindi natin batid kung ano nga ba ang dapat unahin gayong patuloy ang banta ng coronavirus disease sa buong mundo.

Nitong Biyernes (Hulyo 10) ay humarap ang buong sambayanan sa pinakamalaking dagok ng giant media broadcasting company na ABS-CBN. Tuluyan na ngang pinatay ang pagbibigay sana ng bagong prangkisa sa nasabing broadcasting network. Marami ang natulala higit ang mga artista at mga mamamahayag ng Kapamilya network. Dahil sa naging hatol ng komite sa kongreso sa botong 70 – 11, marami ang mawawalan ng hanapbuhay na mga empleyadong umaasa sa Kapamilya network; mahigit 11,000 na mga manggagawa ang mawawalan ngayon ng trabaho at hindi alam kung paano nila masusuportahan ang kanilang mga pamilya. Batid naman ng lahat ang kakulangan ng Kapamilya network kung ito man ay nagkasala sa bayan, sa mga politiko at sa gobyerno. Ngunit parang hindi sapat na tanggalan pati ng karapatang maghanapbuhay ang mahigit 11,000 manggagawa nila at sa ganitong panahon pa itinaon ang lahat gayong may kahirapan din sa paghahanap ng mapapasukang trabaho.

Wika nga ng sambayanang maka-masa, hindi tama ang naging desisyon ng kongreso dahil tila nanaig ang sama ng loob nila sa ABS-CBN dahil sa diumano’y paninirang ginawa ng TV network sa mga politikong diumano’y gumagawa nang hindi tama sa bayan dahil sa pagiging ‘bias’ daw ng ABS-CBN. Ngunit wala naman tayong magagawa roon. Kundi ang tanggapin sa ngayon ang naging hatol ng kongreso.

Paano ang sinasabi ni Bato na maghanap na lang ng ibang trabaho ang 11,000 na mga empleyado ng Kapamilya network gayong may pandemya? Tila hindi ko na alam saan pa ito patutungo. Marahil marami ang nagsasabi na tama ang naging hatol ng kongreso, ngunit sa tingin ko nabahiran na naman ito ng politika para sa Kapamilya network. Gaya nga ng pahayag ni Risa Hontiveros, “Maniningil ang kasaysayan”.

Naniniwala rin ako sa pahayag ni Angel Locsin na may ‘relevance’ ang Kapamilya network. Alam naman natin na masakit ang mawalan ng minamahal ngayong may pandemya. Ngunit parang mas dobleng dagok ito para sa lahat ng nagmamahal sa Kapamilya network na siyang tanging libangan at pang relieve ng ka-stressan sa araw-araw nating pinagdadaanan.

May aral at kabuluhan ang buong programa ng Kapamilya Network. Hindi ito basta palabas lang, ito ay ang tunay na kwento ng bawat Pilipino na nangangarap at pilit inaabot ang mga ito para sa kanilang pamilya saan man o sino man. Labis akong nalulungkot sa pagkawala sa ere ng Kapamilya network. Ako ay mayroong 22 na mga pamangkin, ang kalahati sa kanila ay mga maliliit pa. Hinahanap ang mga palabas na pambata na ngayon ay wala na silang mapanood. Wala nang napapanood na educational tv programs, walang ibang channel na makakapagbigay din na gaya sa Kapamilya network. Mahirap lamang kami at walang kakayahan para bumili o magpakabit ng cable para sa mga bata na talaga namang tinututukan nila ang bawat palabas ng Kapamilya.

Bagama’t hindi na mapapanood ang halos 80% ng mga programa ng Kapamilya network, ngunit magpapatuloy naman ang limitado nilang TV Shows sa pamamagitan ng kanilang digital platforms gaya sa social media, iWant, Youtube, at sa kanilang website. Kaya hindi rin hihinto sa paghahatid ng mga balita at magagandang programa ang ABS-CBN at magpapatuloy pa rin ang kanilang paglilingkod at ang mga kwento ng bawat Pilipino saan man sa mundo.

Lubos ang aking pasasalamat sa Kapamilya network. Mula ng aking pagkabata ay nasilayan ko ang mga magagandang programa nila. Mga palabas at teleserye na nagturo sa akin na mangarap, ngumiti, magmahal, magsaya, tumawa, masaktan, umiyak, at magpatawad.

Sana nga lang ay tama ang naging desisyon ng ating mga minamahal na kongresista. Sana nga lamang ay bumoto sila ayon sa kanilang konsensya at hindi pansariling interes lamang. Salamat sa pagsabi ng 70 na “YES” na huwag pagkalooban ng prangkisa ang ABS-CBN, at sa labing-isa (11) na nagsabi ng “NO” at dapat itong irenew dahil walang nilabag ang ABS-CBN ayon na rin sa mga ahensya ng gobyerno.

Sakabila nito, nakisimpatya ang lahat ng mga taga media at iba pang mga broadcasting network sa loob at labas ng bansa. Kaisa ng ABS-CBN sa mabuting pamamahayag ang mga kabaro nila at hindi dapat makitil ang press freedom na ang bawat Pilipino rin ang siyang dapat makinabang nito at hindi para lupigin ang malayang pagbabalita at pagbibigay ng tama, balanse, at komprehensibong impormasyon para sa bawat Pilipino. Hindi mananahimik ang balita at patuloy itong mag-iingay hanggang sa makamit ang nararapat para sa bayan at hindi dahil lamang sa epekto ng emosyon na siyang nagwawatak sa ating lahat. Maraming dapat unahin ang ating gobyerno, hindi ang pagkitil sa kalayan ng pamamahayag at hindi ang pang-sariling interes lamang.

Nabigo man ngayon ang Kapamilya network, ngunit hindi kailanman hihinto sa pag ningning ang mga bituin sa kalangitan. Hangga’t may tumitingala’t tumatanaw, patuloy na magniningning ang mga tala sa kalangitan. (Tinig Ni Rex Molines)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.