First set ng COVID-19 vaccine results sa UK, ilalabas sa Lunes

Inihayag ng The Lancet medical journal mula sa UK na ang first set ng COVID-19 vaccine results na binuo ng AstraZeneca at Oxford University ay ilalabas na sa susunod na linggo, Hulyo 20.
Aniya, ang mga resulta ng Phase I ay inaasahang magpapakita kung ito ba ay ligtas o hindi at kung lilikha rin ba ng isang immune response laban sa COVID-19.
Sa isinagawang preclinical trial ay nagpakita na ang dalawang dosis ay lumikha ng magandang pagtugon ng antibody kaysa sa isang dosis lang.
Sinabi ng World Health Organization noong Hunyo na ang AstraZeneca’s AZD1222 ay ang pinaka-advanced na vaccine candidate na nagkaroon ng mabilis na development.
Maging ang Moderna Inc., sa kanilang experimental vaccine ay nagpakita ito na ligtas gamitin at nagpamalas ng immune response sa lahat ng 45 healthy volunteers sa ginawang pag-aaral ayon sa mga mananaliksik sa US. Sinimulan ng Moderna ang Phase II trial nitong May at inaasahan na masisimulan ang Phase III sa Hulyo 27.
Nagbigay pahayag naman ang kilalang America’s top expert on infectious diseases na si Dr. Anthony Fauci na kahit walang garantiya pa ng paggaling ng mga pasyente ay tiwala siya sa projected time table ng vaccine candidates at sinisiguro ng US na sila ay makakakuha ng isang bakuna na tutugon para sa kaligtasan ng lahat bago matapos ang taon.
Gayunpaman, nagbabala si Dr. Fauci na kahit na ang isang bakuna ay nagtagumpay at nakalikha ng magandang immune response, nananatiling hindi malinaw kung gaano katagal na magtatagal ang proteksyon na iyon sa katawan ng tao.
Aniya, tatagal pa raw ang pandemya ng taon bago mabigyang kasagutan ang kaligtasan sa naturang sakit. (Ni Rex Molines)
Source: