
Mababang ‘accuracy result’ ng Rapid testing, hindi inirerekomenda ng DOH

Hindi inirerekomenda ng Department of Heath (DOH) ang paggamit ng ‘rapid testing’ upang maging basehan bilang clearance sa pagbabalik trabaho ng mga manggagawa dahil sa hindi accurate ang pabago-bago nitong resulta.
Ayon sa pahayag ni Health Undersecretary Maria Vergeire na bago pa man magbalik sa operasyon ang mga kumpanya at ang mga empleyado ay hindi na nila inirerekomenda na magkaroon ng mass clearing of employees gamit ang antibody rapid tests.
Aniya, dahil sa mababang ‘accuracy’ nang paggamit ng Rapid testing ay mas inirerekomenda nila ang RT-PCR test o swab testing para matukoy ang virus sa katawan ng tao kung positibo o negatibo ba ito.
Dagdag pa ng Kalihim na kapag nag-negatibo, nagkakaroon na kaagad ng interpretasyon ang isang indibiduwal na nag-rapid testing na siya ay ligtas na sa naturang virus. Dahil sa mataas na “false negative” result nito ay hindi agad nababatid nang indibidwal na maaring carrier na pala siya ng naturang virus at kung siya ba ay nakapanghawa na sa mga nakasalamuha niya.
Matatandaan nitong kalagitnaan ng buwan ng Mayo ay hinikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga kumpanya na magbabalik operasyon na at isailim sa COVID tests ang bawat manggagawa nila upang makatiyak sa kanilang kalusugan at dahil sa mas mura at mas madali ang pagsasagawa ng rapid testing ay ito ang kanilang naging rekomendasyon sa kanilang mga manggagawa. (Dan Joson / Photo credit: Manila Bulletin)