
Pinas, lilikom ng P20-B pondo para sa COVID-19 vaccine

Tinatayang aabot sa P20 bilyon ang kakailanganin ng Pilipinas para pondohan ang pagbili ng bakuna laban sa nakamamatay na coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, para ito sa paunang target na 20 milyong Pilipino na mababakunahan nito.
Aniya, may magagamit naman na pondo ang bansa para makabili ng bakuna.
Sinabi pa ni Dominguez na ang Philippine International Trading Corporation (PITC) sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) ang bibili ng bakuna at ang pondo ay uutangin sa Land Bank of the Philippines at sa Development Bank of the Philippines (DBP) na babayaran naman ng Department of Health.
“Kayang-kaya ng DBP at saka ng Landbank i-finance itong purchase ng COVID virus about roughly P20 billion, so we have a plan and we will execute it as soon as the Department of Health chooses which vaccine or vaccines they want, baka you’ll choose several, as $10 per dose that should be around– siguro when they sell it, siguro mga P500 per dose,” sabi ni Dominguez.
Sinabi rin ni Dominguez na kapag makarating na sa bansa ang bakuna, ang ating ekonomiya ay tuluyan nang makababangon.
Samantala, tiniyak naman ni Trade Secretary Ramon Lopez na hindi kailangang magbenta ng ari-arian ang bansa para pondohan ang pagbili ng bakuna. /DM