
“Isolation facilities” ng LGU-Datu Piang para sa LSI at ROF matagal ng nakahanda

DATU PIANG, Maguindanao — Kasama ang ilang mga media personalities mula sa probinsya ng Sultan Kudarat, ipinakita ni Mayor Victor Samama ang kanilang ipinatayong mga “isolation facilities” para sa mga dumating (at sa mga darating pa) na mga “Locally-stranded Individual” (LSI) at “Returning Overseas Filipino” (ROF) na kanyang mga kababayan.
Ang nasabing mga pasilidad ay isa lamang sa mga ginawang “anti-COVID 19 measures” ng LGU-Datu Piang, ayon oa kay Mayor Samama.
“Ang mga pasilidad na ito ay mga kongretong basehan na kumikilos kami para labanan ang nakakamatay na sakit na nananalasa sa ating bansa, partikular na bayan ng Datu Piang at sa boung probinsya ng Maguindanao,” sabi ni Mayor Samama.
Matapos maipakita sa bumisitang mga media personalities, kaagad namang inilahad ni Mayor Samama sa kanila ang iba pang mga nagawa at mga gagawin pa nila na may layuning protektahan ang kanyang mga kababayan laban sa nasabing sakit.
“Marami kaming ginawa dito at yan alam lahat ng aking mga kababayan dahil nakikita nila kung paano kami kumilos para protektahan ang kanilang mga buhay laban sa virus na umaatake,” sabi ni Mayor Samama.
Ayon kay Mayor Samama, namahagi na sila ng “relief goods” sa bawat barangay na apektado ng nasabing virus.
Iginiit nito na ang lahat ng mga benepisyo at mga ayuda ay natanggap ng mga residente sa panahon ng pandemya.
“Lahat kami dito, kasama ang ibat-ibang mga sektor, ay kumikilos at tumutulong upang mabigyang-proteksyon ang aming mga kababayan,” sabi ni Mayor Samama. (ABDUL CAMPUA via Mindanao Desk)