
Pandemya sa PhilHealth

Ilang buwan nang humaharap sa laban ng COVID-19 pandemic ang ating bansa. Maraming ang apektado, mayaman man o mahirap walang pinipili. Marami na rin ang namatay sa naturang virus kasama ang ating mga bayaning health workers.
Sa kabila ng health crisis ng bansa, isa ang Philhealth sa mga ahensya ng pamahalaan na siyang pangunahing tutugon ‘sana’ para maibsan ang hirap ng mga kapos nating kababayan lalo’t ‘pag ikaw ay tinamaan ng nakamamatay na virus.
Ngunit heto nga’t nagimbal ang sambayanan sa pagkakatuklas sa napakalaking anomalya na nagaganap sa loob ng ahensya. Hindi na po milyon ang pinag-uusapan kundi bilyon na po.
Lubhang nakakadismaya at nakalulungkot isipin ang pangyayaring ito. Dahil gaya ko, bilang isang ordinaryong manggagawa, kada buwan ay kinakaltasan kami ng aming kumpanya para sa Philhealth at umaasa kami na may madudukot sa oras ng pangangalingan pangkalausugan. Ang mas nakagigimbal ay ang sabihin na malapit na masaid ang pondo ng ahensya!
Mga Sir at Ma’am, saan po napunta ang mga contributions po namin? May karapatan kaming magtanong sapagkat pera po ito ng bayan o ng sambayanang manggagawa, PERA PO NG MAMAMAYAN.
Lubos pa rin ako’ng umaasa na may kahihinatnan ang mga hearing sa Kongreso. Lalo’t higit na umaasa ang sambayanan na may mananagot sa anomalya na ito. At mas nakaantabay po ang mamamayan sa aksyon na gagawin ng mga namumuno para malutas na ang Pandemya ng korapsyon sa Philhealth. (Ni RICK DALIGDIG)