
Ni Kuya Sami Bathan de Ramos
Nakarating ka na ba sa bayang San Ipilip,
Kung saan ang mali ang tinatangkilik,
Mga walang ginagawa ang kabilib-bilib,
At ang mga baluktot ang siyang matuwid…
Napuntahan mo na ba ang bayang San Ipilip,
Mga taksil sa baya’y itinataas ng pilit,
Ang dapat na magbigay ang siyang nagkakamit,
At ang dapat na magsilbi ang siyang nilalangit…
Napasyalan mo na ba ang bayang San Ipilip,
Kung saan ang mabuti ay iwinawaglit,
Ang nagmamahal sa bayan ang nagpapakasakit,
Ang tapat na naglilingkod ang umaani ng galit…
Bibisitahin mo pa ba ang bayang San Ipilip,
Kung saan ang tama ay nililigalig,
Ang nais na pagbabago ay bawal masambit,
Ang may puso sa kapwa’y inuulan ng bakit… (Ni Kuya Sami | Nalathala sa Berso de Estilo Pilipino 04.02.2020)
Categories: Berso de Estilo Pilipino