
BERSO SA DIYARYO MILENYO: “KAPE AT PAG-IBIG”
ni Kuya Sami Bathan de Ramos
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!
Sa akin na tula ang siyang tanging hilig,
Ang kape ay tulad ng ating pag-ibig;
Huwag mamadaliin pagkat sobrang init,
Maaring masakta’t mapaso ang bibig.
Ang kape kung minsan ay ubod ng tamis,
Kapagka natikma’y walang hanggang umis;
Tulad ng pag-ibig na handog ng langit,
Kusang ‘binibigay, walang pamimilit.
Ngunit may panahong ang timpla’y kay pait,
At ang tadhana ay nawalan ng bait;
Ang hatid ay labis na lungkot at sakit,
Ng kapeng ang timpla’y di kaibig-ibig.
Ang ating pag-ibig kung ikukumpara,
Ay tulad ng kapeng ligaya ang dala;
Ang ating pamukaw sa bawat umaga;
Ang hatid ay kilig, kung minsan ay kaba.
At kung sakali mang ang natikma’y pait,
H’wag kang magdaramdam, h’wag kang magagalit;
Ang kape’t pag-ibig pag iyong ‘binigay ng walang kapalit,
May mabuting ganti, may katahimikan na sayo’y babalik. |Ni kuya Sami Bathan de Ramos | BERSO DE ESTILO PILIPINO