

SULTAN KUDARAT, Philippines — Dahil sa kanyang maganda at maayos na serbisyo na ibinigay sa mga mamamayan ng bayan ng Senator Ninoy Aquino (SNA) sa probinsya ng Sultan Kudarat, ginawaran ito ng mga parangal ng Municipal Local Government Office (MLGO) doon.
Abot-langit ang tuwa na tinanggap ni SNA Mayor Randy Ecija Jr. ang “Plaque of Commendation” at “Award of Loyalty” na personal na ibinigay sa kanya ni Ricci Eximo, ang Local Government Operations Officer ng SNA, sa isang simpleng-seremonya na ginanap ngayong-araw kasabay sa pagdiriwang ng “Civil Service Month” ngayong-buwan ng September at 120th Foundation Anniversary ng Philippine Civil Service.
Ayon kay MLGOO Eximo, ang “Plaque of Commendation” ay ibinigay nila kay Mayor Ecija dahil sa kanyang pagiging “Frontliner (ICS Responsible Officer) at sa kanyang “invaluable support through extra-ordinary services rendered in connection with the battle against COVID-19 pandemic.”
Habang ang “Award of Loyalty” naman ay ibinigay sa kanya bilang pagkilala sa kanyang “10 years of loving service in SNA coupled with invaluable contributions and untold services for the betterment of public service.”
Inihandog naman ni Mayor Ecija ang kanyang mga natanggap na mga parangal sa lahat ng mga mamamayan ng SNA dahil, para sa kanya, nakuha niya ang nasabing mga parangal dahil sa kanilang mga suporta at mga pagtitiwala sa kanyang liderato at pamamahala sa bayan ng SNA.
Si Mayor Ecija ay dating “habal-habal driver” na naging alkalde ng SNA. Armado ng sinseridad, dedikasyon at hangarin na magbigay ng mga pagbabago sa kanyang bayan, walang takot nitong binangga ang kilalang mga politiko sa kanilang bayan.
Sinuwerte naman itong manalo. Magmula ng siya ay umupo na bagong alkalde ng SNA, tinupad nito ang mga pangako na mga pagbabago. Sementong mga daan at maraming mga proyekto na direktang nakapagbibigay ng mga serbisyo at mga benepisyo sa mga tao.
Ayon pa kay Mayor Ecija, “Agi ray mosulti dili nga puro lang sulti ang agi (ibig sabihin, ang kanyang maraming accomplishments ang makakapagsabi kung ano ang kanyang mga nagawa sa SNA. Hindi yung puro lang salita, wala namang ginagawa) (RASHID RH. BAJO)