
Planong pagtapyas ng distansya mula sa 1 metro sa mga pasahero, kikilatisin muli ng gobyerno

TINITINGNAN muli ng gobyerno na magbawas o tapyasan ang isang metrong distansya sa bawat pasahero para lubos pang mabuksan ang ekonomiya.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, co-chair ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), dapat taasan ang public transportation capacity para matulungan ang mga tao na makabalik sa kanilang trabaho.
Ang planong pagtatapyas ng distansya mula da isang metro ay nakalinya raw sa implementasyon ng National Action Plan Phase 3 ng gobyerno na tututok sa lubos na pagbubukas ng ekonomiya habang nag-iingat sa banta ng coronavirus disease ang lahat.
Matatandaang nauna nang inaprubahan ng IATF ang proposal na bawasan ang physical distancing sa loob ng mga PUV sa 0.75 meter mula sa isang metrong pagitan at ito ay kinontra ng mga medical expert dahil sa pangangambang mas mahawa ng malapitan ang mga taong makakasalamuha sa mga pampublikong sasakyan.
Agad namang binasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proposal na ito at patuloy naman nating sinusunod ang rekomendado ng World Health Organization na pairalin pa rin ang 1 meter physical distancing policy.