
78 araw na lang, Pasko na! Magiging merry pa ba ang Pasko mo matapos mong mabalitaan na hindi maibibigay ang 13th month pay na iyong inaasam?
Ikinabigla ito nang mga manggagawa matapos mapaulat ang tungkol sa usaping 13th month pay na makukuha [sana] ng bawat empleyado ngayong papalapit na kapaskuhan. May posibilidad kasi na hindi ito maibibigay ng mga employer dahil sa nararanasang kahirapan at pagkalugi ng bawat kumpanya.
Bunsod nang patuloy na banta ng pandemya sa bansa, mga kumpanya na patuloy na nagsasara kahit na under General Community Quarantine na ang malaking bahagi ng bansa at ang pagbabawas ng mga manggagawa sa kanilang mga pinapasukang kumpanya at ang pagsadsad nang ating ekonomiya. Lubos na naapektuhan din ay ang mga nasa Micro and Small Enterprises na walang kakayahang makapagbigay ng naturang benepisyo sa ngayon.
Ilan lamang ito sa mga tinitignang anggulo ng iba’t ibang labor groups at sektor sa bansa na hindi naman talaga papayag ang mga manggagawa na hindi maibigay ang nararapat para sakanila.
Sa isang interbyu sa teleradyo, sinabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, maaring hindi makatanggap ng 13th month pay ang mahigit 2 milyong manggagawa kung ang kumpanya ay “in distress” o nalulugi na.
Sa ilalim ng Presidential Decree 851 Section 1 na ang lahat ng mga employer ay dapat maglaan ng 13th month pay para sa kanilang mga manggagawa na katumpas ng isang buwan na sahod at maibibigay ito bago mag Disyembre 24. Karapatan nang bawat manggagawa na makatanggap ng benepisyong ito alinsunod sa itinakdang batas.
Batay pa rin sa batas, maaring i-exempt ang mga kumpanya na “in distress” o nakararanas ng pagkalugi sa kabila ng pandemya at iba pang kadahilanan.
Sa nakalap na datos mula sa DOLE, nasa mahigit 13,000 mga kumpanya ang nagbawas o permanenteng nagsara na mula Enero 2020 hanggang kasalukuyan. Nasa mahigit 116,000 naman ang naka temporarily close o flexible working arrangements mula Marso 2020 hanggang kasalukuyan.
Dahil sa usaping ito, marami ang nababahala ngayon na mga manggagawang Pilipino lalung-lalo na ang mga malilit na manggagawa na kanilang inaasahan sa mga ganitong panahon ay ang 13th month pay na malaki ang maitutulong sa bawat pamilyang Pilipino ngayong papalapit na ang pasko at bagong taon.
Siguro nga’y pinakamainam na gawin ay makipag-ulayam [sana] ang pamunuan ng bawat kumpanya kung ano nga ba ang dapat na maibigay sa kanilang mga manggagawa. Dapat na makipag-ugnayan ang may-ari ng bawat kumpanya sa kanyang mga manggagawa at masolusyunan ang nakalulungkot na balitang ito.
Dapat ibigay ang nararapat para sa mga manggagawang patuloy na nagsusumikap at nagbibigay ng maayos na serbisyo sa kumpanya. Huwag hayaan ng ahensya ng gobyerno na tututok sa usaping ito at mabalewala ang karapatang makatanggap ng nararapat na 13th month pay para sa lahat ng mga manggagawa ngayong kapaskuhan kahit pa may pandemya. ‘Wag ipagpaliban ang 13th month pay, ibigay na! (DM)