
BREAKING: Rep. Lord Allan Velasco, bagong Speaker of the House

Pormal nang tinanggap ni Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco ang katungkulan bilang House Speaker matapos siyang “iboto” ng kaniyang mga kaalyado sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City ngayong araw.
“I accept this once in a lifetime challenge,” pahayag ni Velasco.
Sa pagtatala, iniluklok si Rep. Velasco ng 186 Congressmen bilang bagong Speaker of the House of Representatives.
Tuluyan na ngang sinipa bilang House Speaker si Alan Peter Cayetano ngayong araw.
Kinuwestiyon naman ni Outgoing House Speaker Alan Peter Cayetano ang validity ng isinagawang session ng mga kaalyado ni Rep. Velasco sa naturang events place sa lungsod ng Quezon.
Aniya, nagmistulang Banana republic ang bansa at wala pa umano sa kasaysayan ng Pilipinas na may gumawa ng ganito kababoy na aksyon.
“They can declare the world ending today, but their session is nothing more than a social club na nag-violate din ng IATF rules. They can do that tomorrow after the budget…Ano’ng gulo ang gusto nila? Kung valid ‘yun, Banana republic na tayo…Never in the history of the Philippines na ganito kababoy ang ginawa sa kongreso.” Pahayag ni Outgoing Rep. Alan Peter Cayetano.
Samantala, tiniyak ni Rep. Velasco na maipapasa ang 2021 National budget na hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin sa mababang kapulungan.
Inaasahan na magkikita-kita ang mga Kongresista sa Batasang Pambansa sa isang special session na tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte para maipasa na ang pambansang budget.
Matatandaan na ibinuko ni Cong. Lito Atienza si Cayetano matapos nitong ipitin umano ang application ng franchise renewal ng ABS-CBN nang ilang taon, dahilan upang pagkaisahan ng mga mambabatas ang network nitong Mayo hanggang Hulyo. (Ni Rex Molines)