
Pinsalang iniwan ni ‘Rolly’ sa agrikultura, umabot na sa 1.7 Bilyon

PINSALANG idinulot ng Super Typhoon Rolly sa sektor ng agrikultura pumalo na sa mahigit P1.7 bilyon.
Batay sa pagtatala ng Department of Agriculture (DA), ang kabuuang pinsala ay umabot nasa P1.748 bilyon na nakaapekto sa mahigit 27,000 magsasaka sa buong bansa.
Ang pagtatalang ito ay huling isinagawa kaninang alas-5 ng hapon.
Una nang iniulat ng DA ang datos ng pinsala na umabot sa P1.1 bilyon na nakaapekto sa 20,000 magsasaka.
Sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na kabilang sa mga pananim na matinding nasalanta ay ang palay, mais at high value crops.
“Most of the commodities that have been badly damaged are rice, corn, high-value crops during this Typhoon Rolly, with almost 20,000 hectares. And about 20,000 farmers as well have been affected,” ayon sa kalihim.
Aniya, bukod kay Rolly, nag-iwan din ng pinsala sa agrikultura ang naunang bagyo na si ‘Quinta’, na umabot sa P2 bilyon.
Dagdag pa ng DA na tutulungan nila ang mga apektadong sektor kabilang ang pamamahagi ng mahigit 134,000 bags of rice seeds at higit 17,000 bags of corn seeds at maglalaan din ng pinansyal na tulong o survival and recovery loan ang DA sa mga naapektuhang magsasaka.
Kasama rin sa mga tutulungan nila ay ang may-ari ng mga livestock at poultry.