
Kotang-kota na tayo sa mga bagyong dumaan mula ng manalasa ang bagyong Pepito, Quinta, Rolly, Siony at ang bagyong Ulysses.
Halos pinadapa nang mga bagyong ito ang malaking bahagi ng Luzon at nagdulot ng matinding pagbaha, malawakang pagkasira ng agrikutura at maging ang mga kababayan natin sa iba’t ibang lugar ay tuluyan ngang winasak ang kanilang mga kabahayan sanhi ng mga bagyong dumaan.
Sa ganitong panahon, hindi maiiwasan nang karamihan sa atin na lumusong sa mga baha lalo na ang mga lugar na mabababa gaya ng muling pag-apaw ng tubig sa Marikina river na hindi inasahan ng lahat na ito ay magpapalubog ng mga kabahayan. Dahil sa mga pagbahang ito maaari tayong makakuha ng maraming sakit sa paglusong sa tubig baha. Isa na nga rito ay ang LEPTOSPIROSIS.
ANO ANG LEPTOSPIROSIS?
Ang Leptospirosis ay isang sakit na sanhi ng mikrobyong leptospira interrogans na nakukuha sa ihi o dumi ng mga hayop tulad ng daga. Maaring mabuhay ang mikrobyong ito sa kidney ng carrier nito.
Ang mga tao na mahilig lumusong sa tubig baha ay prone sa Leptospirosis lalo na kung may open wound o sugat ang lulusong sa baha. Bukod sa sugat na mayroon ang isang carrier, maaring mainom rin ang tubig baha, pumasok sa mata at tenga. Maari ring maipasa ng isang taong infected ng Leptospirosis sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
MGA HAYOP NA MAARING PAGMULAN NG MIKROBYONG LEPTOSPIRA
Batay sa nakalap na impormasyon, maaring makuha ang leptospira sa daga, aso, baboy, baka, kambing, kabayo at sa lupa na naihian o nadumihan ng mga nabanggit na hayop. Malaki ang tiyansa na magkasakit ang mga may sugat sa balat na magsasaka, minero, beterenaryo, mangingisda, mga nagtatrabaho sa imburnal, at ang mga nagtatrabaho sa slaughterhouse.
SINTOMAS NG LEPTOSPIROSIS
Ang mga sintomas ng leptospirosis ay lumalabas as loob ng dalawang linggo. May mga pag-aaral din na hindi nagpapakita ng sintomas ang isang tao na infected ng leptospirosis. Kaya naman narito ang ilang mga sintomas na dapat mong mabatid;
- Mataas na lagnat na aabot sa 38 degrees Celsius.
- Pananakit ng ulo
- Pananakit ng kasu-kasuan o body pain / muscle pain.
- Jaundice o paninilaw ng mata at balat
- Chills
- Pagsusuka
- Pananakit ng tiyan
- Pagtatae
- Skin rashes

Ang mga nabanggit na sintomas ay maihahalintulad sa iba pang sakit gaya ng birdflu at meningitis kaya mas mainam na magpa-konsulta sa doktor para sa agarang gamutan kung ikaw nga ba ay infected na ng leptospirosis.
PAANO MAKAKAIWAS SA SAKIT NA ITO?
Ayon sa pag-aaral ng mga siyentipiko, maaring magamot ng antibiotics ang carrier ng naturang sakit. Ang Leptospirosis ay maaring tumagal sa ating katawan ng ilang araw o tatlong linggo. Kung hindi agad ito maagapan, maaring humantong sa pagkasira ng kidney, liver failure, respiratory system or worst, maaring ikamatay.
8 TIPS PARA MAKAIWAS SA LEPTOSPIROSIS
May kasabihan nga na “prevention is better than cure’. Maari nating maiwasan ang sakit na ito kung tayo ay magiging maingat sa ating sariling pangangatawan at sa paligid.
- Siguraduhing malinis ang inuming tubig at pagkain.
- Sa oras ng baha sa inyong lugar, umiwas na lumusong lalo na kung ikaw ay may sugat o open wounds.
- Huwag maglalakad ng nakapaa, siguraduhing nakasuot ng bota.
- Kung sakaling nababad ka ng matagal sa baha, mainam na hugasan agad ang iyong paa at sabunan ito at kung may alkohol ay mainam itong pahiran upang mamatay ang bacteria.
- Dahil sa main carrier ang daga ng bacteria, siguraduhing malinis ang inyong paligid. Ang mga basura ay isalansan ng maayos at hindi ito dapat madaanan ng mga daga na naninirahan sa ilalim ng mga kanal o imburnal.
- Kung may mga daga sa loob ng inyong bahay, mainam na ito ay puksain. May mga pesticides na maaring mabili sa merkado at maari itong makatulong sa iyo.
- Mainam ding gamitin ang mouse trap para hulihin ang mga mababait na pasilip-silip sa inyong lababo o kusina.
- Siguraduhin na ang inyong paligid ay nalilinis ng maayos kung may mga alaga kayong hayop sa loob ng inyong tahanan. Sapagkat, hindi lamang ang daga ang maaring maging carrier ng bacteria na ito maging ang iba pa ninyong alagang hayop. (Ni Rex Molines)
