
Direktor ng DHS, sinibak sa puwesto ni Trump

SINIBAK sa puwesto ni kasalukuyang Pangulo pa rin ng Estados Unidos na si Donald Trump ang direktor ng Department of Homeland Security (DHS) Agency na siyang bumasura sa hakahakang pagkapanalo ni Trump nito lamang nagdaang eleksyon.
Inanusyo ni Trump sa kaniyang Twitter account ang pagtanggal kay Chris Krebs na siyang umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens.
Sa naunang tweet, isinaad ni Trump na ‘highly inaccurate’ ang naging seguridad sa ginanap na eleksyon.

Marami rin umano ang mali at pandarayang naganap sa halalan dahil kahit ang mga patay ay kasama sa mga naitalang bumoto.
Sinundan ito ng tweet na nagsasabing ganap niya nang tinanggal si Krebs bilang direktor ng Cybersecurity and Infrastructure Security Agency.

Pinangunhan ni Krebs, isang Trump appointee, ang nasabing ahensiya ng DHS na nagbunga umano sa matagumpay na pagprotekta sa estado at lokal na eleksyon mula sa misinformation at maruming sistema ng botohan.
Nanalo si Joe Biden, kandidato ng Democratic Party, laban kay Donald Trump na siya namang kandidato ng Republican Party.
Nauna nang nakamit ni Biden ang 270 boto noong ika-7 ng Nobyembre na kinakailangan upang ganap na manalo ang kandidato.
Sa ngayon, nakakuha na nga ng 290 boto si Biden samantalang 232 naman si Trump. (Ni Vivienne Audrey Angeles)