Patutsadahan sa pagtugon sa oras ng mga kalamidad, tigilan na

Read Time:2 Minute, 48 Second

Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!

Sa dami nang mga kinahaharap ng ating bansa sa ngayon, tila marami rin ang tumutuligsa sa kabutihang pagtugon ng ating mga kababayan higit ang mga nasa politika na gumagawa ng aksyon para sa bayan.

Batid natin ang hirap na ginagawa ng ating Pangulo at ng Ikalawang Pangulo sa araw-araw na lumilipas. Hindi madali ang tumulong sa kaliwa’t kanang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo nitong nakalipas na mga linggo o halos isang buwan tayong hinagupit ng mapaminsalang bagyong Pepito, Quinta, Rolly, Siony, Tonio at bagyong Ulysses. Sunud-sunod tayong sinubok ng kalamidad na talaga namang hindi na matapos-tapos pa. At ngayon, pinaghahandaan naman natin ang posibilidad na may 3 o 4 pa na bagyong darating bago matapos ang taon. (Tama na po!)

Tila hindi rin nakalagpas ang mga patutsada ni Pangulong Duterte sa mga ginagawang hakbangin ni Bise Presidente Leni Robredo. At ang usaping umusbong kung #NasaanAngPangulo? Namismong mga netizen ang mga nagtatanong at naghahanap sa Pangulo, bagay na ikinagalit ni Duterte at isinisisi kay Leni.

Nagtrending kahapon ang #DuterteMeltDown sa Twitter at sa iba pang social media sites dahil sa mga naging patutsada nito kay #BusyPresidenteLeni. Aniya, masyadong pabida-bida ‘kuno’ ang Bise Presidente at hindi pa nito panahon para pangunahan daw ang Pangulo sa pagtugon ng mga kinakailangan ng ating mamamayan sa ganitong mga kaganapan sa ating bansa.

Maraming mga netizen ang nagbigay suporta kay VP Leni dahil hindi naman ito nagpapasarap lang sa buhay. Maraming ginagawa ang #BusyPresidenteLeni na magaganda at mabilis na pagtugon sa mga nasalanta ng iba’t ibang kalamidad, maging sa COVID-19 at iba pang pagtugong pangangailangan para sa mga nasa laylayan sa mga sandaling ito.

Alam naman natin ang kapaguran din ni Pangulong Duterte. Kilala na natin ang ating Pangulo sa kanyang pananalita, pagkilos at pagtugon sa mga nangangailangan at pagbabago para sa bayan. Walang duda para husgahan ang ating Pangulo sa kanyang katapangan at pagiging lingkod sa bayan.

Sa mga usaping ito, sa oras ng kalamidad at kaguluhan sa bansa. Hindi ba’t mas mainam na tayo ay nagtutulungan? Mas mainam na hindi na dapat nating pinupuna pa ang kilos at galaw ng isa’t isa. Di ba’t mas masarap tumulong ng sama-sama para sa ating mga kababayan? Nakagagaan ito ng ating kalooban, lalo na kung kumikilos ang lahat at hindi pamumulitika ang mananaig para lang masabi ng magkabilaang kampo na sila o siya ay mas higit, tapat at may kakayahang tumugon sa bayan kaysa sa katunggali nito.

Kahit saang anggulo tignan, walang mali sa ginagawa ng bawat nasa posisyon ng pagtulong. Huwag na sanang pansinin kung sino ang nauna sa pagtugon at kung sino ang tunay na tumutugon. Huwag na sanang lumalim pa ang patutsadahan ng magkabilang panig.

Dapat nating isipin, kahit wala ka man sa chain of command, o hindi ka man kaanib ng mas nakahihigit o nakalalamang sa’yo, ang lahat ay may karapatang tugunan ang pagtulong para sa higit na mga nangangailangan sa paraan na makabubuti sa lahat at hindi sana ito maging mitsa ng pagtatalo at silipan sa mga aksyon at aktibidades ng bawat kampo.

Sino pa ba ang dapat na magtutulungan upang harapin ng positibo ang ating bayan? Di ba ang ating Pangulo at ang kanyang Bise Presidente sa iisang direksyon ng pagtugon. Panigurado, magiging maayos ang lahat kung walang lamangan, pagdududa at inggitan sa pagkilos para sa bayan. (DM)

About Post Author

Diyaryo Milenyo

DIYARYO MILENYO is a free and independent online media outfit that publishes events happening in the local communities and current issues that matter to the public with local, national and global implications. DIYARYO MILENYO is composed of volunteer journalists and community writers scattered in various parts of the Philippines. They report the news right and where it happens. It adheres to the standards and ethics of journalism. It imposes strict rules against attacking someone. Strictly adhering to publish good news only.
Happy
Happy
0 %
Sad
Sad
0 %
Excited
Excited
0 %
Sleepy
Sleepy
0 %
Angry
Angry
0 %
Surprise
Surprise
0 %
Previous post Cong. Raul del Mar, pumanaw na
Next post UP, tatanggalan ng pondo dahil diumano sa “academic strike” – Duterte

Discover more from Diyaryo Milenyo

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue Reading

%d bloggers like this: