
Walang Academic Freeze, ayon sa DepEd

NAGPATUPAD ang Department of Education (DepEd) ng academic ease measure upang tulungan ang mga guro at mag-aaral na apektado ng mga nagdaang bagyo.
Una nang isinantabi ng DepEd ang panawagan para sa isang “academic freeze” dahil sa sunud-sunod na mga bagyong tumama sa bansa.
“Hindi na po siguro mangyayari ito,” sinabi ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali sa panayam ng TeleRadyo.
“Wala ng academic freeze dahil palagay po namin ito ang tamang polisiya, ang magpatuloy. At nakikita po natin with the latest issuance ay maging flexible na lang tayo,” paliwanag ni Umali.
Sa ilalim ng academic ease ng ahensya, nabanggit ni Umali na ang mga mag-aaral ay binibigyan ng flexible na oras upang isumite ang kanilang school requirements.
Aniya, sa Enero pa posibleng magpatuloy ang klase sa Marikina City, kasunod ng matinding pinsala at pagbaha dala ng bagyong Ulysses sa naturang lungsod.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, suspendido ng isang buwan ang klase sa lahat ng antas, sa pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod para sa rehabilitasyon. (RMB)