
Isa patay, 4 sugatan sa bumagsak na steel girder ng Skyway extension sa Muntinlupa

Patay ang isang lalaki na nagmomotorsiklo matapos itong mabagsakan ng steel girder na ginagawa sa East Service Road, northbound lane mula sa itinatayong Skyway extension project sa bahagi ng Barangay Cupang, Muntilupa City kahapon ng umaga.
Idineklarang dead-on-arrival sa Alabang Medical Clinic sa Alabang, Muntinlupa City ang biktimang si Paquibot Edison Visaga matapos masapol at mabagsakan ng girder habang nagmamaneho ng kanyang Yamaha Mio Soul motorcycle (DA 36154).
May apat din na sugatan sa aksidente at kasalukuyang nilalapatan na sa Asian Hospital. Nakilala ang mga sugatang sina Angelito Malao, 30-anyos, residente ng Peralta Compound, Brgy. San Miguel, Pasig City; John Paul Gonzales, 27, residente ng Maligaya St., Brgy. Chrysantimum, San Pedro, Laguna, habang inaalam ang pagkilanlan ng dalawa pa.
Nawasak ang mga dumaraang sasakyan ng mga motoristang biktima sa aksidenteng ito nang biglang mabagsakan ng steel girder dakong alas-8:50 ng umaga sa tapat ng Uratex sa East Service Road, bukod pa ito sa kongkretong poste na naputol.
Isang Toyota Vios taci, isang Hyundai H100, isang Mitsubishi Adventure, isang Yamaha Mio, isang Honda Beat, isang Yamaha Mio Soul, at isang Suzuki Raider ang mga nawasak na sasakyan.
Dahil sa pangyayaring ito, sarado na sa motorista ang magkabilang lane (north at souhtbound lanes) na nagbunga ng matinding daloy ng trapiko.
Ang ginagawang Skyway extension ay under ng San Miguel Corporation na pinangangasiwaan naman ng contractor nito na EEI Corporation.
Tiniyak ng EEI at ng SMC na handa nilang ipagkaloob ang kaukulang tulong para sa mga biktima at sa pamilyang namatayan ng dahil sa trahedyang ito. (RBM)