
KORONADAL CITY — Abot-langit ang pasasalamat ng mga miyembro ng Indigenous People (IP) ng isang barangay sa Koronadal City dahil sa pagkakaroon nila ng bagong gymnasium na nagkakahalaga ng P2.5-Milyones.
Noong Martes (Jan. 12), personal na pinasalamatan ng mga lider, kasama ang ilang mga kababaihang-IP, si South Cotabato 2nd District Rep. Atty. Ferdinand “DINAND” Hernandez sa pagpapatayo ng gymnasium sa kanilang lugar sa Sitio Salkan sa Barangay Paraiso sa siyudad na ito.
Si Congressman Hernandez ay isa rin sa mga “Deputy Speaker” ng House of the Representatives.

Ginawa nila ang personal na pagpapasalamat kay Congressman Hernandez matapos nitong pangunahan ang “turn-over ceremony” ng nasabing gymnasium doon.
Dumalo rin sa nasabing seremonya ang ilang mga opisyal ng Koronadal City at ang dating gobernador ng South Cotabato na si Inday Daisy Fuentes.
Ang pagpapatayo ng gymnasium sa Sitio Salkan ay isa lamang sa napakaraming mga proyekto, tulad ng gymnasium, birthing clinic at health center, na ipinatayo ni Congressman Hernandez sa ibat-ibang bahagi ng segundo distrito ng probinsya.
“Ganyan kasipag si Congressman Dinand (Hernandez). Serbisyong may ebidensya. Talagang masasabi mong nagtratrabaho talaga siya para sa kapakanan ng mga tao,” sabi ng isang residente na na-interbyu ng DIYARYO MILENYO na ayaw magpabanggit ng kanyang pangalan.

Kilala rin si Congressman Hernandez na isang magaling na mambabatas dahil sa mga batas na iminungkahi nito na inaprobahan naman ng Kongreso dahil sa magandang mga benepisyo na maibibigay nito sa mga tao.
Ang isa sa maraming mga batas na nagawa nito ay ang pagpapatayo ng state college sa probinsya ng South Cotabato. (RASHID RH. BAJO)