Tinig ni Rex Molines

KWARENTA DIAZ (40 Araw): Ano’ng meron sa ika-40 Araw ng Pagpanaw?

Nakalulungkot isipin na kailangan nating tanggapin ang pagpanaw ng mga minamahal natin sa buhay. Bakit nga ba natin pinaghahandaan ang ika-40 Araw ng namayapa nating kamag-anak? Narito ang mga dapat mong malaman kung bakit kailangang paghandaan ang 40 Araw o Kwarenta Diaz ng namayapa nating mahal sa buhay.

Sa simula ng pamamaalam o pagpanaw ng ating mahal sa buhay ay sinisimulan nating paghandaan ang tinatawag na 9 Araw o “pa-Siyam” kung tawagin. Sa ika-9 na araw ng namayapa nating kamag-anak ay ating ipinagdarasal ang kaniyang kaluluwa na mapayapang maglakbay patungo sa kaluwalhatian ng Diyos at ating tinitirikan ito ng kandila mula sa unang araw ng kanyang pagpanaw. Ang mga nagsasagawa nito ay mga magdadasal na may kaalaman sa pagbibigay panalangin at respeto sa kaluluwa ng namayapa. Karaniwan ay ang mga matatandang nagsisilbi sa Simbahan.

Matapos ang 9 Araw, atin namang pinaghahandaan ang pang 40 Araw o Kwarenta Diaz. Kung hindi ka kabilang sa tradisyong ito na nagsasagawa ng pang-40 araw na alaala pagkatapos ng kamatayan ng tao, panigurado hindi mo ito mauunawaan. Kaibigan, nasa Bibliya ang kasagutan.

Ano’ng meron sa Kwarenta Diaz o 40 araw?

Tinutukoy sa Bibliya na ang bilang na apat napu (40) ay may malaking kahulugan at kabuluhan na dapat nating bigyang importansya. Base sa Genesis 7:4, nagpaulan ang Diyos sa lupa at nagdulot ito ng pagbaha na tumagal ng 40 araw at 40 gabi sa panahon ni Noah. Sa Genesis 25:20, apat napung taon si Isaac na mapangasawa niya si Rebecca. Apat napung araw ng embalsamohin ang katawan ni Jacob ayon sa kaugalian ng mga taga Ehipto (Ge. 53:3). Si Moises ay nasa Mt. Sinai sa loob ng 40 araw (Exo. 24:18) at nakasama niya ang Diyos. Apat napung taon naghari si David sa buong Israel bago siya namatay (1Kings 2:11). Nag-ayuno si Jesus ng 40 araw pagkatapos ng kanyang Binyag (Matt. 4:2), at 40 araw nanatili sa lupa si Jesus bago umakyat sa langit (Acts 1:3), at marami pang iba na hindi batid ng karamihan sa atin.

Ang mga mula sa tradisyon ng Eastern Orthodox ay gumagamit ng balangkas na ito para sa kanilang sariling mga alaala.

Paglalakbay ng Kaluluwa sa loob ng 40 Araw

Sa Russia, ang 40 na bilang na ito ay nauugnay sa mga tradisyon ng pagano. Ang 40 araw ay isang pagkakataon para sa paghuhukom sa harap ng Diyos. Sa madaling salita, ang kaluluwa ay nakumpleto na ang kaniyang paglalakbay upang mapuntahan ang dapat niyang puntahan at kanyang napagtagumpayan ang maraming hadlang sa kanyang patutunguhan.

Ang kaluluwa ay dumadaan sa lupang panghimpapawid, na tahanan ng mga masasamang espiritu. Tinangka ng mga espiritung ito na kaladkarin ang kaluluwa sa impiyerno, at ang kaluluwa ay kailangang makahanap ng lakas upang manatili sa Diyos. Ito ay isang paghatol ng mga kasalanan ng kaluluwa. Sa pagtatapos ng 40 araw, matatagpuan ng kaluluwa ang lugar nito sa kabilang buhay.

Sinasabi na ang ligaw na kaluluwa ay ang mga kaluluwang hindi matahimik sa kanilang biglaang pagkamatay. Maaring may nais pa silang tapusin sa lupa kung kaya’t karamihan sa atin ay nakararanas ng pagpaparamdam sa pamamagitan ng paggalaw ng mga gamit, mga gamit mo na biglang napupunta sa ibang bahagi sa loob ng inyong bahay, may mga pagbulong din sa ating tainga, at madalas ay nagpapakita sa ating mga panaginip. Kaibigan, sa totoo lang, ang mga namayapa na kailanman ay hindi na maaring mang-abala pa sa ating mga buhay sapagkat sila ay masaya ng naglalakbay sa dapat nilang paroroonan. Huwag natin silang katakutan.

Tradisyon at Pamamaraan ng pagsasagawa ng 40 Araw

Maraming pamamaraan ang maaring isagawa sa paghahanda ng 40 Araw o Kwarenta Diaz, ilan nga rito ay aking mga nabanggit sa itaas. Dito nagsasama-sama ang mag-anak at mga kaibigan ng namatay upang alalahanin ang mga kabutihang idinulot ng namayapa. Naghahanda ang pamilya ng mga pagkaing madalas ding kainin ng namayapa, nag-aalay ng dasal o padasal upang bigyang respeto at katahimikan ang kaluluwa nito. Ito ay napakahalagang gawain o maituturing na ritwal ng mga Katoliko upang magbalik-tanaw sa pag-alala sa kani-kanilang namayapang mahal sa buhay.

Batay sa mga iba’t ibang tradisyon sa pagsasagawa ng Kwarenta Diaz, ang kaluluwa ng isang tao na namayapa na ay hindi niya batid na siya ay pumanaw na. Kung ang namayapang tao ay nakagawa ng mabubuting gawain sa kapwa, ang kaluluwa nito ay agad na makatutungo sa kaharian ng Diyos. Ngunit kapag ang tao ay namatay sa kasalanan, maaring hindi ito agad na makakarating sa dapat niyang puntahan.

Kaibigan, kaya ko ito nabuo sapagkat ngayon ay aming pinaghahandaan ang Kwarenta Diaz ng aming Tatay Florante na namayapa nitong Disyembre 29, 2020. Kaya naman, kami po ay humihingi ng kaunting panalangin para sa katahimikan ng kaniyang kaluluwa. Nawa’y marating ng aming Tatay nang mapayapa ang kaharian ng Diyos at kanya nang makasama ang iba pa naming mga kapatid na matagal ng namamalagi sa piling ng Diyos. Amen! (TNRM)

Categories: Tinig ni Rex Molines

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.