
BANGA, South Cotabato –– Binisita at sinuri ni Deputy Speaker for Mindanao Rep. Ferdinand “DINAND” Hernandez noong Martes (Jan. 19) ang 102.297-kilometrong “Banga-Tupi-Malungon Road” na proyekto na naipatupad nito dahil sa kanyang inisyatibo at pagsisikap bilang kongresista ng ikalawang-distrito ng probinsya ng South Cotabato.
Sa pinoste nitong mensahe sa kanyang FB account, sinabi ni Congressman Hernandez na umabot na sa P1.9-bilyones ang inilaan na pondo sa nasabing daan na may haba na 102.297-kilometro na magdudugtong sa mga probinsya ng South Cotabato at Sultan Kudarat.
“Nag umpisa ang pagpapagawa ng proyekto noong 2018 at ito ay magsisilbing bypass route upang mas mapabilis ang byahe ng mga motoristang manggagaling sa South Cotabato, Sultan Kudarat at Maguindanao patungo sa Davao del Sur at Davao City,” sabi ni Congressman Hernandez.
Naniniwala si Congressman Hernandez na malaki ang maitutulong ng nasabing proyekto sa pagbawas ng daloy ng trapiko sa Koronadal City kung matapos na ang paggawa nito.
Inaasahan din ni Congressman Hernandez na “magsisilbing instrumento ang Banga-Tupi-Malungon Road upang palakasin ang mga programang pang-ekonomiya sa rehiyon higit sa lahat ang Munisipyo ng Banga at mga karatig na mga bayan.”

“Magbibigay daan din ito sa pagkakaroon ng mga karagdagang trabaho. Magdudulot din ng positibong epekto ang proyektong ito sa agricultural sector dahil mas mapadadali ang transportasyon ng mga produkto sa mas mababang halaga,” giit pa ni Congressman Hernandez.
Nagpasalamat naman ang mga motorista sa paggawa ng nasabing proyekto dahil magiging mabilis na ang biyahe nila kung bubuksan na ito sa publiko.
Kilala si Congressman Hernandez na kauna-unahang kongresista ng nasabing probinsya na nakapagpatupad ng bilyon-bilyong halaga ng mga proyekto sa kanyang distrito.
Kasabay ni Congressman Hernandez sina South Cotabato Vice Governor Vicente De Jesus, Board Member Larry de Pedro VI, Board Member Dar Danilo Dar at Barangay Lampari Captain Rahib Mama ng bisitahin at suriin nito ang nasabing proyekto.
Sumama din ang ilang mga inhenyero mula sa DPWH-Region 12 na sina Engr. Daisy Amistad, Engr. Erhan Lomondaya at Engr. Faisal Calimbaba sa nasabing pag-inspection nito.
Pagkalipas ng ilang-araw na pagbisita at pagsuri sa maraming mga proyekto nito sa kanyang distrito, bumalik na si Congressman Hernandez noong Lunes (Jan. 25) sa Manila upang gampanan naman nito ang kanyang trabaho bilang “Deputy Speaker” ng Kongreso. (RASHID RH. BAJO)