
COLUMBIO, Sultan Kudarat –– Pinasalamatan ng bayan na ito ang isang opisyal ng tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagdalo nito sa isinagawa nilang paglagay ng “boundary marker” sa isang malayong barangay nito.
Ayon kay Columbio elected–Municipal Councilor Datu Zahir Mamalinta, Al–Haj, nagpapasalamat ito sa pagdalo ni Assistant District Engineer Alihar A. Mama ng DPWH–Sultan Kudarat 1st District Engineering Office sa isinagawa nilang paglalagay ng “informative political boundary marker” sa boundary area ng Purok Bong Datal sa Sitio Lamgawel sa Barangay Datalblao.
Si Councilor Mamalinta ay ang tserman ng Committee on Peace and Security, Dangerous Drugs and Public Order ng Sangguniang–Bayan (SB) ng LGU–Columbio at umaakto rin na Executive Assistant ni Mayor Edwin Bermudez.
Ang kanyang ina naman na si Hadja Bai Naila Mamalinta na barangay captain ng Datalblao ay nagpapasalamat din sa pagdalo ni Engr. Mama.
Sinabi ni Councilor Mamalinta na ang layunin ng paglalagay nila ng “informative marker” sa boundary area ng Barangay Datalblao ay upang malaman ng mga tao na ang dinadaanan at pinupuntahan nila ay bahagi ng bayan ng Columbio at ng probinsya ng Sultan Kudarat na sakop ng Region 12.
Ang Columbio ay kapitbahay ng bayan ng Matanao na sakop naman ng probinsya ng Davao Del Sur na bahagi ng Region 11.
Ayon sa report, naglakad ng ilang oras, umakyat at bumaba sa matarik na mga bundok si Engr. Mama, kasama si Councilor Mamalinta at ang tropa ng PNP, bago nila narating ang “marking area” sa Barangay Datalblao, kung saan kilala na kapitbahay ng Barangay Colonsabac ng bayan ng Matanao na sakop ng probinsya ng Davao Del Sur.
Pinasalamatan din ni Councilor Mamalinta ang tropa ng 1202nd Maneuver Company Regional Mobile Force Battalion XII, sa ilalim ng pamumuno ni Police Major Richard Pabalinas, 2nd Maneuver Platoon (Datalblao) 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force na nasa ilalim ng superbisyon Police Lieutenant Colonel Hoover Antonio at mga personnel ng Columbio Municipal Police Station sa ilalim naman ng superbisyon ni Lieutenant Nolan Lorenzo para sa pag–escort at pagbabantay sa kanila sa boundary area. (RAMIL H. BAJO/Photo credit to Councilor Datu Zahir Mamalinta)