
“Madaling sabihin, mahirap gawin.” ito ang mariing pahayag ng Pangalawang Pangulo ng Pilipinas Leni Robredo sa isang panayam ng local media outfit na Bicol Rapido TV matapos na mabatid ang komentaryo ng isang grupo na nananawagan para kay Robredo na siya ang tumakbo sa pagka-Pangulo sa 2022.
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!“…hindi ito pareho noong pag VP [ang tatakbuhan], mayroong nagdadala sa akin. Pag ako iyong kumandidatong Pangulo, kailangan handang handa ako. Handa hindi lang sa trabaho kundi sa laban. At doon ako may problema,” punto ng Bise Presidente.
Aniya, ang Bise Presidente ay nahihirapang magdesisyon kung siya nga ba ay tatakbo sa pagka-Pangulo sa 2022 dahil sa lack of resources.
Sinabi pa nito na kung sufficient ang resources ay mas madaling magdesisyon na maaring siya ay tumakbo sa darating na halalan sa pagka-Pangulo. Giit ng Bise Presidente na ang lahat umano ng resources ay nasa kanilang kalaban.
Dagdag pa ni Robredo na ang kaniyang kinaaanibang partido na Liberal Party ay kakaunti na lamang ang miyembro nito.
“Kahit na sabihin kong gusto ko, mahirap siya gawin kasi maraming responsibilities at maraming kailangang ipaghanda bago iyon mangyari.” saad muli ni Robredo.
“Kaunti na lang kami. Mahirap, mahirap. Ayokong sumuong sa kahit anong laban na hindi ako handa,” dagdag pa ni Robredo.
Aniya, kung sakali man na tumakbo muli si Robredo, mas pipiliin nito na tumakbo sa local position dahil siya ay mas malapit sa mga komunidad na kaniyang natutulungan. Hindi man siya tumakbo sa pagka-Pangulo ay magpapatuloy pa rin siya sa kanyang pagseserbisyo sa buong bansa.
“Alam ko, may obligasyon ako sa national, maraming naghihikayat sa akin. At least, iyong mga kakampi, gusto ako mag Presidente, parang iyon pa rin ang default.” muling pahayag ni Robredo.
“Magde-decide lang ako na mag-lokal kapag desidio na ako na hindi ako magkakandidato sa national,” punto muli ng Bise Presidente.
Samantala, sinabi rin ni Robredo na siya ay magdedesisyon sa buwan ng Setyembre o mas maaga bago ang pagsusumite ng kandidatura sa Oktubre 1 hanggang 8 ngayong taon.
Matatandaan na si Robredo ay nanalo sa two electoral bids; sa pagka-Congressman sa ikatatlong distrito ng Camarines Sur noong 2013 at Vice President noong 2016 sa magkaparehong partido, ang Liberal Party. (RBM)