
Sinovac vaccines dumating na sa bansa, ilang opisyales ng pamahalaan magpapabakuna bukas

Dumating na ang unang batch ng COVID-19 vaccines mula Sinovac na donasyon ng China sa Pilipinas. Nasa 600,000 doses ng Sinovac vaccines ang posibleng dalhin sa isang cold storage facility sa Marikina City. Ang nasabing cold storage ay mayroong 2 to 8 degrees celsius ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro.
Tiniyak ng mga namamalakad sa pasilidad na ito na paglalagakan ng bakuna na kanilang isasaayos ang lahat ng dapat nilang gawin upang makasiguro na ang mga bakuna ay safe at hindi ma-expose sa pagkasira nito. Aniya, kanilang pananatilihin ang temperatura sa storage. Kung sakaling mawalan ng kuryente ay mayroon namang generator ang naturang storage.
Sa pagsasaayos nito, magkakaroon ng unloading inspection, pag-iimbentaryo at ilalagay ang mga bakuna sa refrigerated area. Kapag ito ay naisayos ng husto, dadalhin naman ang mga bakuna sa mga referral hospitals na higit na nangangailangan ngayon ng agarang pagbabakuna.
Aniya, nakatakda ang pagbabakuna bukas, Lunes, Marso 1, ang mga ospital na uunahin ay ang UP General Hospital, Lung Center of the Philippines, Dr. Jose and Rodriguez Memorial Medical Center, Veterans Memorial Medical Center, PNP General Hospital, at V. Luna Medical Center. Ito ay base sa ibinigay na listahan ng National Task Force against COVID-19.
Base sa mga simulations na isinagawa ng mga nagdaang araw, pasok naman sa ibinigay na target na oras mula Villamore Airbase patungong pasilidad sa Marikina at sa mga vaccination sites. Ayon kay Teodoro, dito rin dadalhin ang mga bakuna ng AstraZeneca na inaasahang darating bukas.
At habang sinusulat ko ang artikulo na ito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na magkakaroon ng pagkaantala sa pagdating ng AstraZeneca vaccines mula sa COVAX facility ng isang linggo. Aniya, nakatanggap sila ngayong araw ng mensahe mula sa World Health Organization official communication tungkol sa pagkaantala ng bakuna.
Nakatakdang magpabakuna ng Sinovac vaccine sina Health Secretary Francisco Duque III at Vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. bukas ng umaga.
Samantala, nasa 1,500 priority health workers sa Marikina ang tumangging mabakunahan ng Sinovac vaccine. (DM)