
Sunog sa Sto. Rosario, Mandaluyong


Hindi pa man nakababangon ang mga residente sa Sto. Rosario, Mandaluyong dahil sa sunog sa kanilang lugar noong Pebrero 20, Sabado ng umaga. Nasundan muli ito sa nasabing barangay kanina, Marso 1 ng tanghali.
Nagsimula ito ng bandang 1:00 ng hapon, na mabilis namang nirespondehan ng mga bumbero kaya naapula ang apoy pasado 2:30 PM.Sa kasalukuyan, walang naitalang nasawi.
Pansamantala munang binuksan ang Plainview Elementary School sa mga nabiktima ng sunog noong Pebrero 20. Marahil ay dito rin patutuluyin ang mga nawalan ng tirahan sa pangyayaring ito bilang pinakamalapit na paaralan sa Sto. Rosario.


Sa pagpasok ng unang araw ng Marso bilang “Fire Prevention Month” ay inilabas ng Bureau of Fire Protection ang kanilang tarpaulin na may temang, “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi ka nag-iisa!”
Mahalagang paalala na mag-ingat at maging alerto sa paligid upang makaiwas sa sakuna lalo na sa paggamit ng kuryente o elektrisidad dulot ng mainit na panahon.
Isa rin ito sa nakikitang dahilan kaya marami ang nasusunugan tuwing buwan ng Marso. (Ulat at Kuha ni KaMilenyo, Harvian A. Rentoria via Mandaluyong CIty)