[From Rashid RH. Bajio]
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!
KORONADAL CITY, Philippines [R12] –– Tinatamasa na ngayon ng mga residente, lalung–lalo na ang mga magsasaka, sa upper valley area ng probinsya ng South Cotabato at ilang mga barangay sa General Santos City ang mga benepisyo ng ginagawang 66.690–kilometro na “by–pass road project” na ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kahit hindi pa ito tapos.
Ayon sa report na pinoste ng DPWH XII sa kanyang opisyal na Facebook page, ang completion rate ng nasabing proyekto nito doon ay nasa 77.67% na at sa ngayon, minamadali na nila ang konstruksyon sa nalalabing 6.690–kilometro at inaasahan nila na makukumpleto nila ang daan bago matapos ang taong–2021.
Ayon sa isang magsasaka na si Sargo Kitay na nakapanayam ng tanggapan ng DPWH XII, na ang sabi ng kanilang mga magulang noon “sa pagputi pa [daw] ng uwak” sila malalagyan ng daan.
Si Mr. Kitay ay isa lamang sa maraming mga magsasaka ng Barangay Tibolok sa bayan ng T’boli sa nasabing probinsya ang natutuwa at patuloy na nagpapasalamat sa tanggapan ng DPWH dahil sa ginawa nitong proyekto na daan sa kanilang lugar.
Pero ayon kay Mr. Kitay, patuloy silang nagdasal at nangarap para malagyan sila ng “kalsada” [daan] at hindi naman sila binigo ng Diyos. Pinakinggan at tinupad ng Diyos ang kanilang mga dasal at mga pangarap.
“Ari na. Naa na mi kalsada [Eto na. May daan na kami ngayon],” sabi ni Mr. Kitay.
Kinokonsidera ni Mr. Kitay ang ginagawang by–pass road project ng DPWH na isang malaking “blessing” para sa kanila dahil malaki ang naitutulong nito sa kanilang “hanapbuhay” [livelihood].
“Dako ang natabang sa pagsulod sa karsada sa panginabuy–an sa mga tao dire. Mga produkto namo dali lang ipagawas [Malaki ang naitulong ng kalsadang ginawa ng DPWH sa mga hanapbuhay ng mga tao dito. Madali na naming nailalabas (upang ibenta) ang ang aming mga produkto],” giit ni Mr. Kitay.
Ayon kay Mr. Kitay, dahil sa ginagawang highway, naging madali ang pagtugon sa kanilang “emergency needs” dahil napupuntahan at naabot sila ng mga rescue team na ipinadala ng gobyerno.
Dagdag pa ni Mr. Kitay, dahil sa by–pass road project maraming mga kababaryo nito ang nabigyan ng mga trabaho.
Ayon sa report ng DPWH XII, ang nasabing proyekto ay nakapagbigay din ng mga trabaho sa mahigit 600 na mga skilled at non–skilled na mga trabahante sa boung rehiyon.
“Nakatabang jud siya 100% sa amoa [Nakatulong talaga siya ng 100% sa amin],” giit ni Mr. Kitay.
Ayon sa tanggapan ng DPWH XII, ang konstruksyon ng nasabing “road network project” ay nagsimula sa población ng bayan ng Surallah papunta sa bayan ng T’boli at magtatapos sa Barangay San Jose sa General Santos City.
Pag natapos na ang nasabing proyekto, ang biyahe mula Surallah hanggang General Santos City ay magtatagal na lamang ng isang oras na dati ay tumatatagal ng dalawang oras gamit ang main route na Banga–Tupi–Koronadal City–Polomolok Road.
Inaasahan na sisigla ang ekonomiya at negosyo sa upper valley area ng South Cotabato dahil sa nasabing road project. [Photo credit to DPWH XII]