
“NO TO JEEPNEY PHASEOUT!AYUDA, HINDI PHASEOUT!” Ito ang hinihiyaw na panawagan ng mga nagkakaisa sa protesta ng mga jeepney driver ng UP Transport Group nitong Lunes, Marso 29.
Makikita sa mga larawang ipinoste nila sa kanilang official Facebook page ang kanilang hinanaing at ang kumakalam nilang sikmura. Ang UP Transport Group ay isang organisasyon ng mga Jeepney Drivers sa UP. Dahil sa pangyayaring ito na kinatatakutan ng lahat ng mga Jeepney Driver pati ang mga kabataan ay nakiisa rin sa protestang ito para pigilan ang Jeepney Phaseout na magtatanggal ng kabuhayan at karapatan ng ating mga tsuper.
Maging sa isang post sa social media na nakalap ng Diyaryo Milenyo ay nakisimpatiya rin ang ating kaMilenyo na si Billy Ibarra na aniya, “madaling sabihin ang pag-implementa ng jeepney phaseout, kung may pribilehiyo na maghanap na lang sila [Jeep Drivers] ng ibang trabaho, pero paano na lang kung ‘yon lang talaga ang alam nilang ikabubuhay?”
Aniya, itinaon pa na pandemya at nagamit ang pagkakataong ito para panghawakan sa leeg ang mga jeepney driver na hindi na muna sila makapagbiyahe dahil sa planong jeepney phaseout. Tila mauulit muli ang panlilimos ng mga tsuper sa mga lansangan kung saan nakaamba ang aksidente na maari nilang sapitin.
“Ano? Tsuper na naman ang papara sa inyo ngayon para sa konting limos?” saad pa ni Ibarra kanyang post.
Pahayag naman ng UP Community Development Circle na isa rin sa mga nagsusulong para tugunan ang mga panawagan ng ating mga Jeepney Drivers na ngayong araw, Miyerkules (Marso 31) ay nakatakda na nga ang pag-implementa ng jeepney “modernization” program na siyang papatay naman para tuluyan ng mabura ang mga lumang jeepney sa lansangan.
Aniya, sailalim ng pag-momodernisasyon ng pampublikong sasakyan ay kikitil ito sa pinagkakakitaan ng maraming tsuper na umaasa lamang sa kanilang pamamasada at walang kakayahan para makatugon ng modern jeepney model.
“Under this anti-poor and pro-capitalist scheme, jeepney drivers and operators are in the bind to consolidate themselves in corporations/cooperatives entailing stringent quotas and meager salaries.” pahayag ng UPCD Circle sa kanilang post.
Sa ganitong nahihirapan ang ating mga kababayan higit ang mga Jeepney Drivers na walang ibang mapagkakakitaan sa ngayon. Dapat natin ikonsidera ang kanilang kapakanan kaysa ang pagmomodernisasyon ng mga pampublikong transportasyon. Mas mainam na tahakin natin ang landas sa tamang pagtugon para sa ating mga kababayan kaysa unahin ang pagtahak sa pagbabago ng transportasyon dahil hindi rin naman ito mapapakinabangan ng lahat sa ngayon dahil sa patuloy nating pagharap sa pandemya na siya namang inaabuso ng karamihan sa atin para gipitin ang maralitang Pilipino. #DM
You must be logged in to post a comment.