[Ni Rex B. Molines]
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!
Dalawang taon na nating ginugunita ang Semana Santa ng hindi tayo nakakapag-simba ng tuloy-tuloy nang dahil sa pandemya na patuloy nating kinahaharap. Halos lahat ng mga misa ngayong Semana Santa ay sinasagawa sa pamamagitan ng online mass dahil sa restriksyong ipinatutupad sa bawat komunidad lalung-lalo na ang nasailalim ng ECQ.
Sa pag-iikot ng Diyaryo Milenyo sa ilang Simbahan sa Maynila nitong Huwebes Santo, tila hindi nagpapigil ang ilang mananampalatayang Katoliko sa Quiapo Church sa Maynila at sa Redemptorist Church sa Baclaran Parañaque City kung saan ay mayroong mangilan-ngilang nagsisimba sa mga nasabing dambana.
Nakilala ng Diyaryo Milenyo si Aling Letty isang Sampaguita vendor, 45, hindi na niya nagawang magtinda pa ng sampaguita dahil batid niyang masisita siya ng mga otoridad kung kaya’t nag-simba na lamang siya para ipanalangin na matapos na ang pasakit ng pandemyang ito sa buhay at hanapbuhay ng lahat.
Dahil sa bawal makipag-usap sa pampublikong lugar at magdikit-dikit ay minabuti na ni aling Letty at ng Diyaryo Milenyo na tapusin agad ang aming pag-uusap at hindi na namin nagawa pang kuhanan ng larawan ang babaeng deboto ng Redemptorist Church.

Maging sa Quiapo Church ay kanilang pinaiigting ang pagsunod sa health protocols, at sa pagbabawal na magtanggap ng mga panauhin sa loob ng Simbahan. Bawal man ay nananatiling matatag ang panananalig ng bawat Katolikong Pilipino kahit sa labas pa ng Simbahan na sila ay nagdadasal.
Ang mga aktibidades ng bawat Simbahan sa bansa sa panahon ng Semana Santa ay pansamantala munang hindi itutuloy ngunit mananatiling bukas ang Simbahan para magpatuloy sa paghahandog ng mabuting balita ng Diyos na mapanood sa telebisyon at sa online world ang paghahanda sa Linggo ng Pagkabuhay sa darating na Abril 4.
Kahit na isinailalim pa sa ECQ, MECQ at GCQ ang ilang mga rehiyon at lugar sa bansa ay hindi kailanman mala-lockdown ang pananampatalayang Kristiyano, ano pa man ang ating pagdaanan sa buhay. Dahil naniniwala tayo na ang patuloy na pananalig at pagdadasal ng taimtim sa Diyos ay naririnig Niya ang ating mga hinanaing lalo na kung ito ay para sa ikabubuti ng lahat.
Ipagdiwang natin ng ligtas ang Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday na mailayo tayo sa virus at manataling nasa loob ng ating mga tahanan at manood na lamang ng misa sa telebisyon at online world. #DM
