[by Abdul Campua]
TACURONG CITY, Philippines –– Isang talipapa–type [or satellite market] na multi–purpose center ang inaasahang tatayo sa susunod na mga buwan ngayong–taon sa siyudad na ito matapos pangunahan ng mga opisyal ng city government ng Tacurong at Department of Public Works and Highways [DPWH] sa probinsya ng Sultan Kudarat ang groundbreaking ceremony ng nasabing proyekto noong May 3, 2021.

Sa nasabing seremonya, pinasalamatan ng mga opisyal ng Tacurong City, sa pangunguna ni Mayor Angelo “Roncal” Montilla, ang DPWH sa paglatag ng nasabing proyekto sa kanilang siyudad.
Nagpahayag din ng pasasalamat sa taga–DPWH sina San Pablo Barangay Captain Rodolfo O. Jacob at Purok Pag–asa President Jonathan Cordeza.
Masaya namang tinanggap ni Engr. Fernando “Bong” Mamalo Jr., hepe ng Construction Section ng DPWH–Sultan Kudarat 1st District Engineering Office [SK 1st DEO], ang nasabing pasasalamat ng nasabing mga opisyal.
Kasamang dumalo ni Engr. Mamalo dumalo sa nasabing seremonya sina Engr. Irl Kristian T. Gulmatico (Project Engineer) at Engr. Jerrilyn Louise S. Lunasco (Project Inspector).
Ayon sa report na natanggap ng Diyaryo Milenyo, ang nasabing proyekto ay may alokasyon na P4.9–Milyon na pinondohan sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA) at itatayo ito sa Purok Pag–Asa, Barangay San Pablo, Tacurong City.
Ang nasabing proyekto ay ipapatupad ng DPWH–Sultan Kudarat 1st District Engineering Office na nakabase sa bayan ng Isulan.
Kapag nakumpleto na ang nasabing multi–purpose center na proyekto, inaasahan na maghahatid ito ng ginhawa at benepisyo sa maraming mga residente at mga mamimili ng Barangay San Pablo at ng iba pang mga kalapit–barangay nito. #DM
0 comments on “Talipapa–type na multi–purpose center itatayo ng DPWH sa Tacurong City”