
Mas nakatutulong pa rin ang pagsuot o paggamit ng face shield para mas maprotektahan ang sarili sa banta ng COVID-19, ayon sa Philippine Medical Association (PMA) nitong Sabado.
“Para sa amin ay magsuot pa rin ng face masks, face shield, maghugas ng kamay, at sumunod pa rin ng physical distancing. Malaki ang maitutulong sa proteksyon laban sa COVID-19 ang pagsusuot ng face masks at face shield,” saad ni PMA president Dr. Benito Atienza sa isang interbyu sa Dobol B TV.
Matapos na magbigay komento si Manila Mayor Isko Moreno kaugnay sa panawagan para sa national government na ihinto na ang pagsuot ng face shield sa paglabas ng bawat indibidwal sa kani-kanilang mga tahanan kahit na nagpapatuloy pa rin ang banta ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Aniya, ang Pilipinas na lamang ang patuloy na gumagamit ng face shield sa buong mundo.
Ayon naman sa pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III nitong Huwebes, hindi pa ito ang tamang panahon para ihinto na ang paggamit ng faceshield ng bawat indibidwal sa bansa kahit pa na nagkakaroon ng mababang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa kada araw.
Hindi rin pinaburan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panawagan ni Isko na ihinto na ang paggamit ng face shield ng taumbayan.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya na aalisin lamang ang paggamit ng face shield kapag natamo na ang “herd protection” sa bansa. #DM
0 comments on “Pagsuot ng Face shield mananatili pa rin ayon sa PMA”