[by RASHID RH. BAJO]

KORONADAL CITY — Abot-langit ang tuwa ng mga magsasaka, lalo na yung nagtatanim ng mga gulay, sa isang malayong barangay sa bayan ng Lake Sebu sa probinsya ng South Cotabato ng pakyawin ni South Cotabato 2nd District Rep. Atty. Ferdinand “Dinand” Hernandez ang lahat ng kanilang mga ani.
Ang bulto-bultong mga gulay ay binili lahat ni Congressman Hernandez upang matulungan at mailigtas ang nasabing mga magsasaka sa Barangay Ned sa tuluyang pagkalugi.
Ayon sa report, dahil sa tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan, naapektohan ang kanilang itinanim na mga gulay. Upang makaiwas sila sa posibleng pagkalugi, napilitan silang anihin na lamang ito at ibenta sa mababang presyo.
Sa pinoste nitong mensahe sa kanyang opisyal na Facebook account, sinabi ni Congressman Hernandez na kaagad nitong pinapunta ang kanyang congressional staff sa nasabing barangay upang bilhin ang mga produkto at iba pang mga ani ng mga magsasaka doon.
“Ating pinapunta ang ilan sa ating Congressional staff sa Barangay Ned upang bilhin ang mga produkto at ani ng mga farmers. Layunin natin na sila ay matulungan sa ating munting paraan upang maibangon ang kanilang mga hanapbuhay, lalo na ngayong panahon ng pandemya,” sabi ni Congressman Hernandez.
Ayon kay Congressman Hernadez, naging posible ang pagbili nito sa nasabing mga gulay dahil sa tulong ng LGU-Lake Sebu, tropa ng 5th Special Forces Battalion at Barangay Kagawads Allan Alam at Normie Zapanta.
“Ipinamigay natin ang mga pinamiling gulay sa mga pamilya na naapektuhan ng pagbaha dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan at sa mga sumasailalim sa quarantine dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19 sa ating probinsya,” sabi ni Congressman Hernandez.
Ayon kay Congressman Hernandez, “ngayon higit kailanman ay dapat tayong magtulungan at magpamalas ng pagkakaisa upang ating sabay-sabay na mapagtagumpayan ang ating mga kinakaharap na hamon at pagsubok.”
0 comments on “Mga gulay sa South Cotabato pinakyaw ni Rep. Hernandez para ipamahagi sa mga biktima ng baha at mga pamilya ng nasa ilalim ng kwarentina”